‘DI AAYUDA SA MARALITA BINALAAN

Alvin Feliciano

BINALAAN ni Presidential Commission of the Urban Poor (PCUP) Chairman at CEO Alvin Feliciano ang mga lokal na pamahalaan na ma­titigas ang ulo at hindi nagbibigay ng tamang ayuda para sa mga maralitang mawawalan ng bahay.

Aniya, sa paglabag sa batas ng  LGUs, sasampahan ng kaso ang mga lungsod na hanggang ngayon ay hindi sumusunod sa Urban Development and Housing Act (UDHA).

Panahon na aniya para panagutin ang LGUs na sinasamantala ang kahinaan ng mahihirap.

Nakasaad sa UDHA na lokal na pamahalaan mismo ang maglalapit sa ibang ahensiya gaya ng National Housing Authority (NHA) upang mabigyan ng pabahay, tulong pinansiyal, pangkabuhayan o ano pang ayuda ang mga magi­ging apektado sa mga ebiksyon at demolisyon ngunit  hindi ginagawa ng maraming LGUs lalo na sa Metro Manila.

Umalma man ang LGUs, desidido sa pagsasampa ng kaso ang PCUP dahil ang mga ito umano ay matagal na at patuloy ang panggigipit sa mga ebiksyon ngunit walang ayudang ipinaparating sa mga apektadong pamilya.

Ang naturang hakbang ay malaking bagay para sa mga maralita lalo na sa mga apektadong pamilya na wala ng ibang lugar pang uuwian.

Ayon pa kay Feliciano, nais niyang walang mangyaring demolisyon hangga’t hindi nabibigyan ng ayuda ang mga apektadong pamilya. BENEDICT                 ABAYGAR, JR.

Comments are closed.