‘DI BAKUNADO PUWEDE SA CAMPAIGN RALLIES

DILG Undersecretary Epimaco Densing

“KAHIT ang mga hindi pa bakunado kontra COVID-19 ay puwedeng sumama o makiisa sa campaign rallies at sorties ng mga kandidato.”

Ito ang paglilinaw ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Epimaco Densing na pinapayagan nang lumabas at sumama sa nasabing aktibidad ang mga indibidwal na kahit wala pang bakuna basta’t ito’y nasa outdoor venue.

Pero pinaalalahanan naman ni Densing na dapat na istrikto pa ring ipatupad ng mga campaign coordinator ang social distancing at pagsusuot ng face mask upang matiyak ang kaligtasan ng mga dadalo at hindi magkaroon ng super spreader event.

Una nang nagbabala ang DILG na patuloy pa rin ang pagsasagawa nila ng crackdown laban sa mga violators o ang mga lumalabag sa minimum health protocols kontra COVID-19 sa kabila ng pagluwag na ng restriksiyon sa bansa.

Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, nakapagtala sila ng bahagyang pagtaas ng bilang ng mga taong naaresto dahil sa paglabag sa health protocols.

Nabatid na umabot sa 90,585 indibidwal ang nahuli dahil sa hindi pagsusuot ng face masks habang 931 naman ang dinakip dahil sa mass gathering violations at nasa 34,000 naman ang inaresto dahil sa pagsuway sa physical distancing. EVELYN GARCIA