‘DI DAPAT MAGTAMPO SI ROQUE

Magkape Muna Tayo Ulit

NAG-ANUNSIYO kahapon si Presidential Spokesperson Harry Roque na naghain siya ng ‘leave’ mula kahapon, Lunes at tatagal daw ng isang linggo. Ito raw ay upang magbigay oras sa kanyang sarili at magmuni-muni sa mga susunod na hakbang sa kanyang buhay kung ipagpapatuloy niya ang pagtakbo sa Senado sa susunod na taon.

Ang anunsiyong ito ay nag-ugat umano sa pahayag ni Pangulong Duterte na huwag nang ituloy ni Sec. Roque ang kanyang ambisyon na tumakbo sa pagkasenador dahil wala raw siyang panalo. Dagdag pa ni Duterte na may alok siya kay Roque sa panibagong posisyon sa gabinete imbes na sumabak siya sa halalan ng 2019.

Ang umuugong na posisyon na alok ni Duterte kay Roque ay bilang bagong Press Secretary niya.

Matatandaan na binuwag ang opisina ng Office of the Press Secretary (OPS) noong panahon ni PNoy at pinalitan ng Presidential Communication Group (PCG) at hinati pa ito sa dalawang sangay. Ang Presidential Spokesperson at ang Presidential Communications Operations Office (PCOO) na pinamumunuan ni Sec. Martin Andanar.

Tila ibabalik ni Duterte ang dating istruktura ng OPS at si Sec. Harry Roque nga ang papalit.

Sa totoo lang, tama ang payo ni Duterte kay Roque. Siguro ay nasaktan ang puso ni Roque sa mala bruskong salita ng ating pangulo. Pero ‘yun naman talaga ang totoo.

Kung ako kay Roque ay tatanggapin ko ang alok ni Duterte. Mas makatutulong pa siya kay Duterte kaysa iwan niya siya at tumakbo sa Senado. Samantala, kapag ibinalik ang OPS at tatanggapin niya na siya ang mamumuno rito, may sariling kaharian siya na patatakbuhin. Magaling na communicator si Roque. Matalino at may alam sa batas.  May karanasan din sa media. Sakto siya sa posisyon bilang susunod na Press Secretary.

Comments are closed.