(‘Di dapat umabot sa P200) SRP SA GALUNGGONG PAG-AARALAN NG DA

GALUNGGONG 

INIHAYAG ng Department of Agriculture (DA) na pag-aaralan nila ang pagtatakda ng suggested retail price (SRP) sa galunggong sa gitna ng mahal na bentahan nito sa mga palengke, pahayag ni Sec.  William Dar.

Kasalukuyang nasa P240 hanggang P260 ang presyo ng kada kilo ng galunggong sa mga palengke mula sa dating P160 hanggang P180 kada kilo. Nasa P180 naman ang presyo ng kada kilo ng imported na galunggong.

Mataas umano ang presyo bunsod ng kaun­ting bagsak ng galunggong dahil sa closed fishing season mula Oktubre hanggang Enero.

Pero iginiit ni Dar na hindi dapat umabot sa P200 ang galunggong.

“We will study the possibility of having SRP sa galunggong. Otherwise, kung hindi mo mabigyan ng mekanismo na ganyan, the price of galunggong will be 4 times higher,” sabi ni Dar sa gitna ng inspeksiyon ng Navotas Fish Port.

Sinabi rin ni Dar na balak niyang kanselahin ang pagdating ng 18,000 metric tons ng imported na galunggong galing sa China at Vietnam dahil dapat ay hanggang Enero lang ang pag-angkat ng nasabing isda.

Nagsimulang mag-angkat noong Disyembre ang bansa ng galunggong para matugunan ang kakulangan sa suplay ng isda sa merkado.

Isa rin sa mga nakikitang solusyon para pumirmi ang supply at presyo ng galunggong at iba pang isda ay ang rehabilitasyon ng Navotas Fish Port, ang pinakamalaking fish port na nagsu-supply ng 70 porsiyento ng isda sa Metro Manila at ilang lalawigan.

Nasa P14 bilyon ang pondong nakalaan para sa pagsasaayos ng port, at pamamahalaan ito ng Philippine Fisheries Development Authority.

Dadagdagan umano ang cold storage sa fish port, na puwedeng paglagyan ng mga isda nang hanggang isang taon.

Nasa 600 metric tons kada araw ang capacity ng cold storage pero puwede itong doblehin kapag may bago ng cold storage, ayon kay Dar.

Puwede na raw magbagsak ng malaking volume ng mga isda para sa mga panahong mahina ang supply para hindi na kailangang mag-angkat pa.

Lilinisin at palalakihin din ang fish port para mas marami umanong barko ang makadaong doon at mas malaking volume din ng isda ang maibabagsak doon.

Samantala, plano rin ni Dar na kanselahin ang pagdating ng nasa 18,000 metriko tonelada ng imported na galunggong mula sa China at Vietnam.

Sinabi ni Dar na dapat ay hanggang nitong Enero lamang ang pag-aangkat ng isda.

Comments are closed.