SINIMULAN ng lokal na pamahalaan ng Taguig ang pagbabawal sa mga indibidwal na hindi pa bakunado pati na rin sa mga hindi pa nakakukumpleto ng kanilang bakuna na pumasok sa mga opisina ng lokal na gobyerno.
Sa inisyu ng Taguig Safe City Task Force (TSCTF) na Advisory bilang 59 ay inaabisuhan ang publiko tungkol sa implementasyon ng polisiyang “No Vaccination Card, No Entry” sa lungsod.
Ang pagpapatupad ng naturang polisiya sa lungsod ay base na rin sa Resolution No. 148-B ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na sinimulang ipinatupad noong Disyembre 1.
Ayon sa advisory ng lokal na pamahalaan, simula ng Disyembre 1 ang mga fully vaccinated na indibidwal na lamang ang papayagang makapasok sa mga opisina ng gobyerno sa lungsod.
Paliwanag pa ng TSCTF, ang mga fully vaccinated na mga indibidwal na nais makapasok sa mga opisian ng gobyerno sa lungsod ay kailangang magpakita ng kanilang Taguig Vaccination Card o Digital Vaccine Health Pass para sa mga naturukan ng bakuna sa lungsod; vaccination certificate naman para sa mga nabakunahan sa labas ng Taguig kabilang ang valid government-issued ID na mayroong litrato at address.
Base sa datos ng lungsod ay nakapagbigay na ng unang dose ng bakuna ang lokal na pamahalaan sa 778,949 indibidwal o 89 porsiyento ng kabuuang populasyon ng lungsod na 872,980.
Samantala, nasa 78 porsiyento naman sa kabuuang populasyon na 679,959 indibidwal ang mga fully vaccinated sa lungsod. MARIVIC FERNANDEZ