(‘Di hadlang ang pagkakaroon ng polio ni Jovic) ANGKING TALINO, TALENTO ANG PINANGHAHAWAKAN

“KAILANGAN kong makapagtapos ng pag-aaral upang matulungan ko ang aking sarili, ang aking kakambal, at ang aking ina.”

Ito ang malumanay na salitang binitawan ng Grade 10 student ng Bagbag National High School na si Jovic Francisco, 17-anyos, isang PWD at kasalukuyang naninirahan sa Kalye Butas, Brgy. Tejeros Convention, Rosario, Cavite.

Si Jovic ay pumapasok na naka-wheel-chair at hatid-sundo araw-araw nang kanyang kakambal na si Jomari Francisco na pansamantalang tumigil sa pag-aaral.

Ayon sa ina ng kambal na si Marivic Lagonoy Francisco, 59-anyos, single mom na tubong San Jose, Dulag, Leyte na ipinanganak niya ang kambal sa Lying-in sa Cavite City.

At habang lumalaki na ang kambal ay nakitaan niya ng kakaibang pagkilos si Jovic na may sakit na polio.

Sa panayam, sinabi ng guro na si Edith Gilera ng BNHS na lubos nitong hinahangaan si Jovic dahil sa angking talino nito na kung saan ay kayang-kaya nitong makipagsabayan sa kanyang mga kaklase.

Kahit na imposibleng makalakad si Jovic, minimithi pa rin niyang maging isang normal at maranasan ang maglakad at tumakbo katulad ng isang pangkaraniwang tao.

Nagiging katuwang ni Jovic ang kanyang mga kaklaseng lalaki sa pagbubuhat ng kanyang wheel-chair sa tuwing aakyat at bababa ito ng hagdanan ng kanilang paaralan.

Gayunpaman, hindi ang kapansanan ni Jovic ang lubhang nakakatawag-pansin kundi kung paano nito sinusuong ng buong tapang at tibay ng determinasyon ang bawat araw sa pagpasok sa paaralan habang nakaupo sa de-gulong na upuan na itinutulak ng kakambal habang unti-unting tinutupad ang kanyang pangarap.

May tinatagong talento sa pagguhit ang estudyanteng si Jovic na pangarap nitong makapagtapos ng Information Technology balang araw.

Ang tanging hiling naman ni Nanay Marivic ngayong pasko na walang sakit na dumapo sa kanilang pangangatawan, maging malusog, masaya at sama-sama silang mag-iina. SID SAMANIEGO