DI-HG TERRORIST PATAY, 2 PA NASUKOL SA BAKBAKAN

NAKAISKOR ang Philippine Army (PA) laban sa mga terorista makaraang mapatay sa sagupaan ang isang miyembro ng Daulah Islamiyah-Hassan Group (DI-HG) habang naaresto ang dalawang iba pang kasamahan nito sa Maguindanao.

Ayon kay Lt. Gen. Corleto Vinluan, Jr., Commander, AFP- Western Mindanao Command, nagsagawa ng pagsalakay ang mga tauhan ng 33rd Infantry Battalion, Philippine Army sa Barangay Nabundas, Shariff Saydona Mustapha, Maguindanao bandang alas -8:00 kamakalawa ng umaga at target ng mga sundalo ang isang Tong Bomber.

Sinabi naman ni 33rd Infantry Battalion Commander Lt. Col. Benjamin Cadiente, nag-react lamang ang kanilang tropa dahil sa sumbong ng ilang residente hinggil sa presensiya ng DI-HG sa kanilang lugar.

“While troops were approaching the reported location of the terrorists, they were fired upon by an undetermined number of Daulah Islamiyah-Hassan Group members which forced the soldiers to retaliate,” ani Cadiente.

Matapos ang sagupaan ay napatay ang target ng military na si alyas Tong Bomber, at nadakip ang dalawang tauhan nito na kinilalang sina Nondo Sangalan at Tong Sangalan.

Sa clearing operation sa encounter site ay narekober ng mga sundalo ang isang M14 rifle, 33 piraso ng 7.62mm ball ammunition, tatlong M14 magazines, tatlong improvised explosive devices, tatlong handheld commercial radios, dalawang handheld chargers, isang backpack, dalawang sling bags, isang posas , tatlong cellular phones, at dalawang SIM cards.

Habang isang sundalo naman ang kinailangan ilikas matapos na masugatan sa nasabing engkuwentro.

“This accomplishment displays the importance of the community’s participation in defeating the threat groups here in Maguindanao,” pahayag naman ni Col. Pedro Balisi, Commander ng 1st Mechanized Infantry Brigade.

Agad na ibinigay sa mga barangay official ng Nabundas ang napaslang na terorista habang ang dalawang nadakip ay pansamantalang inilagay sa kustodiya ng SSM Municipal Police Station para sa pagsasampa ng kaukulang kaso.

Habang ang mga recovered items ay dinala sa 33IB headquarters sa Barangay Zapakan, Rajah Buayan, Maguinda­nao. VERLIN RUIZ

75 thoughts on “DI-HG TERRORIST PATAY, 2 PA NASUKOL SA BAKBAKAN”

Comments are closed.