PINAYUHAN ng isang labor group ang mga manggagawa na isumbong agad sa Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga employer na ayaw magbigay ng 13th month pay.
Ayon kay Alan Tanjusay, tagapagsalita ng Associated Labor Unions – Trade Union Congress of the Philippines, patuloy pa rin silang binabaha ng mga reklamo mula sa mga manggagawa na hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa nakatatangap ng kanilang mandatory 13th month pay.
Babala ni Tanjusay, sinumang kompanya o employer na patuloy na magmamatigas na magbigay ng 13th month pay sa kanilang mga kawani ay mahaharap sa mabigat na kaparusahan na posibleng mauwi sa pagsasara ng kanilang mga negosyo.
Sa ilalim ng batas, ang 13th month pay ay dapat matanggap ng mga empleyado sa o bago ang Disyembre 24.
Ang 13th month pay ay ipinagkakaloob bilang ‘thank you’ gift ng mga employer sa kanilang mga empleyado dahil sa pagsisilbi sa kanilang mga kompanya.
Nilinaw ni Tanjuasay na ang pay na ito ay dapat ibigay ng cash. Hindi puwede ang grocery items, rice, gadget o gift cheques.
Aniya, ang 13th month pay ay iba pa sa Christmas bonus. Sa Christmas bonus ay maaaring cash, GC o grocery items ang ibigay sa mga empleyado.
May karapatan sa 13th month pay ang mga kawani na nakapagsilibi na ng kahit isang buwan sa kompanya, kasama ang mga ‘endo’ at contractuals. Pasok din sa dapat bigyan ang resigned o terminated employees ‘in pro rata or proportion to the length of time he/she has rendered’. VERLIN RUIZ
Comments are closed.