(Ni CT SARIGUMBA)
PAGBABAKASYON o ang makarating sa iba’t ibang lugar ang isa sa inaasam-asam ng marami sa atin. Kaya’t gumagawa ng paraan ang lahat upang makapag-ipon lamang at may magastos sa gagawing pagbabakasyon.
Pero kahit na sabihin nating napakalaki ng porsiyento ng mga taong gustong makalakwatsa o magliwaliw, sa kabila nito ay mayroon pa ring mga traveler na hindi napapalagay. O laging nababalisa sa tuwing magta-travel.
Dahil hindi naman maiwasang may mga traveler na hindi mapakali o mapalagay sa tuwing sumasakay ng eroplano o kung ano man, narito ang ilang tips na maaaring subukan:
IHANDA ANG SARILI SA STRESS NA MAAARING KAHARAPIN
Hindi lahat ng pagbabakasyon o pagliliwaliw na gagawin natin ay masasabi nating matiwasay. Oo nga’t exciting ang magbakasyon at ang magtungo sa iba’t ibang destinasyong dinarayo ng marami ngunit hindi pa rin maiiwasang magkaroon ng problema.
Gaano man tayo kahanda at ka-excited, may mga bagay pa ring nangyayari ng hindi inaasahan. Kaya naman, ihanda natin sa mga ganitong pangyayari o pagkakataon ang ating sarili nang hindi maapektuhan ang ating bakasyon.
Bukod sa pagkakaroon ng Plan A, maghanda rin ng Plan B.
MAGDALA NG KOMPORTABLENG UNAN AT KUMOT
Mainam o makatutulong din sa mga anxious traveler ang pagdadala ng komportableng kumot at unan nang may magamit ka sakaling kailanganin ito.
Bukod sa travel pillow at blanket, mainam din ang pagdadala ng headphones. Nakatutulong din ang pakikinig ng musika habang nagta-travel upang ma-relax ang ating kabuuan at mawala ang alalahaning bumabagabag sa atin.
KALMAHIN ANG SARILI HABANG NAGTA-TRAVEL
Maraming alalahanin ang bumabagabag sa atin sa tuwing magtutungo tayo sa ibang lugar. Sabihin man nating excited tayo pero hindi pa rin maiaalis sa atin ang kabahan.
Maaari kasing makatagpo tayo ng problema habang bumibiyahe. Puwede ring ma-delay ang flight natin o kung ano pa.
Gayunpaman, huwag gamiting dahilan ang samu’t saring problemang maaaring kaharapin upang sumimangot at hindi ma-enjoy ang pagbabakasyon.
Makabubuti rin kung aalisin natin ang mga negatibong pag-iisip at ang ipalit natin ay magaganda o positibo.
Hindi rin lang sarili ang dapat kalmahin, gayundin ang isipan.
MAGPOKUS AT HUWAG MAGPAALIPIN SA ANXIETY
Kapag nasa isang lugar tayo, maaari tayong maligaw. Kung sa lugar nga na sanay tayo, kung minsan ay naliligaw pa tayo. Paano pa sa mga bagong lugar na ngayon lang natin narating.
Kunsabagay, hindi nga naman maiiwasan ang maligaw ka. Ngunit mas malaki ang tiyansang maligaw ka o mawala sa lugar na pinuntahan kung wala ka sa iyong sarili.
Matutong mag-focus. Iwasan din ang mataranta dahil mas lalo ka lang na hindi makapag-iisip ng mabuti at maayos.
GUMAWA NG DETALYADONG ITINERARY
Upang maiwasan ding makaligtaan o makalimutan ang mga bagay-bagay, makabubuti rin ang pag-create o paggawa ng detalyadong itinerary.
Kailangang detalyado dahil sa pagsalakay ng kaba o anxiety, kung minsan ay nawawala tayo sa ating sarili. At kapag wala na tayo sa ating sarili, tiyak na maraming bagay ang makaliligtaan natin.
Kaya isang option o paraan ay ang paggawa ng detalyadong itinerary. Kung may kasamang magta-travel, bigyan ng kopya ang kasama sa ginawang itinerary. Mainam din kung iiwanan ng kopya ang mga kapamilya nang alam nila ang mga gagawin o schedule mo sa pupuntahang lugar.
MATUTONG IHIWALAY ANG PROBLEMA SA BAKASYON
Isa sa dahilan kung kaya’t hindi tayo nakapag-e-enjoy sa bakasyon ay sapagkat dinadala natin ang problemang mayroon tayo—sa trabaho man iyan o pamilya.
Oo, hindi naman nawawala ang problema sa tahanan o pamilya at lalong-lalo na sa trabaho. Gayunpaman, kung magbabakasyon, sulitin ang gagawing bakasyon at hangga’t maaari ay iwanan sa tahanan ang kung anumang problema.
Kung iisipin mo rin kasi nang iisipin ang problemang mayroon ka—maliit man iyan o malaki, tiyak na hindi mo maa-appreciate ang ganda ng lugar at hindi ka rin makapagre-relax ng mabuti.
Magbakasyon sa bakasyon, kumbaga. Ibig sabihin nito, iwanan na muna ang problema at mag-focus sa sarili at pinuntahang lugar.
Walang katulad na kasiyahan ang makarating sa ibang lugar. Ngunit may ilan na hindi maiwasang kabahan o mag-alinlangan sa tuwing magta-travel. Kaya naman sa mga anxious traveler diyan, subukan ang ilang tips na ibinahagi namin sa inyo nang makapagbakasyon ng maayos at tahimik.
Comments are closed.