INALIS na ng Department of Transportation (DOTr) ang physical distancing at ang mandatory na pagsusuot ng face masks sa public transport.
Ito ay kasunod ng pagbawi ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa state of public health emergency dahil sa COVID-19.
Dahil dito, ang lahat ng passenger vehicles sa buong bansa ay maaari nang patuloy na mag-operate sa full capacity, makaraang limitahan upang i-accommodate ang public safety protocols na ipinatupad noong 2020.
“This new development is a significant step towards normalizing public transportation and supporting economic recovery,” wika ni Transportation Secretary Jaime Bautista.
Aniya, bagama’t nananatiling pangunahing prayoridad ang kaligtasan ng publiko, layon ng pag-aalis sa protocols na maisaayos ang convenience ng mga mananakay, makatulong sa pagbuhay sa transportation industry, gayundin sa pagpapasigla sa economic activity.
Tiniyak naman ni Bautista na magpapatuloy ang madalas na pagsa-sanitize sa public transportation upang maiwasan ang anumang potential health risk.