MAGANDANG balita para sa mga kababayan nating may malulubhang karamdaman at nakatira sa malalayong bayan o probinsya.
Pinirmahan na po kasi ni Pangulong Marcos ang isang panukalang batas na naglalayong magtayo ng specialty health centers sa mga kanayunan – ang Republic Act 11959 o ang Regional Specialty Centers Act.
At ang inyong lingkod, isa po sa mga awtor ng batas na ito.
Nagpapasalamat po tayo sa Pangulo sa kanyang pagpirma sa batas na ito dahil napakalaking tulong nito sa mga Pilipinong hirap na hirap makakuha ng mahahalagang healthcare dahil sa napakalayo ng kanilang kinaroroonan sa mga specialty hospitals.
Ano po ba ang mga specialty hospitals na ito? Kasama po riyan ang Heart Center, Lung Center, Kidney Institute at ang Children’s Medical Center o PCMC.
Ngayong isinabatas na ito ng Pangulo, libre o murang gamutan na ang lalapit sa tao at hindi na sila kailangan pang lumuwas sa lungsod at mamasahe ng napakaraming kasama sa kanilang pagpapagamot o pagpapa-check up.
Nung i-file po natin ang ating sariling bersyon kaugnay sa batas na ito noong 2022, isa sa mga naging basehan natin ang isang ulat mula sa University of the Philippines National Health Institute.
Sabi po kasi sa report, 6 sa kabuuang 10 Pilipino ang namamatay sa kanilang karamdaman nang hindi man lang nakapagpasuri o nakapagpatingin sa doktor.
Ang pinakamatinding dahilan — kawalan ng perang panggastos.
Sa totoo lang, ang mga kababayan nating mahihirap, mas gagastusan ang pagkain kaysa gamot o pagpapadoktor. Dito nangyayari ang paglala ng kanilang karamdaman na nauuwi sa pagkasawi dahil hindi nga sila nakapagpasuri sa mga dalubhasa.
Isa pa, napaka-inconvenient din sa mga kababayan natin sa malalayong probinsya o nayon na bumiyahe pa pa-Maynila o papunta sa kani-kanilang kabisera para makapagpagamot. Napakahaba ng biyahe at kailangang isama rin ng pasyente sa pamasahe ang mga aagapay sa kanya sa kanyang pagpapaospital. Karamihan ng mga pasyenteng ito, kidney patients o mga batang may sakit o mga kaso ng pediatric diseases.
Nakalulungkot na gustuhin man ng mga kababayan natin na makapagpagamot at gumaling sa matinding karamdaman, hadlang naman ang kahirapan. Sa pamasahe pa lang kasi, ubos na ang pera nilang naitatabi. Paano pa ang pagkain nila sa kanilang paghimpil sa lungsod? Mas pinipili kasi nila ang government o public hospitals dahil wala namn din silang panggastos sa mga pribadong ospital. Kaya napakalaking bagay itong batas na ito. Malaking kaginhawahan sa mga kababayan natin.
Sa ilalim po ng batas na ito, inaatasan ang Department of Health na magtatag ng specialty centers sa mga government hospitals sa bawat rehiyon. Ang ibig sabihin, parang satellite centers ng PCMC, NKTI, Lung Center, at Heart Center.
Ang mga pasyente po na ipa-prioritize sa specialty centers ay ‘yung mga talagang malubha na po ang karamdaman at talagang walang-wala sa buhay. Ayon pa rin sa bagong batas, sa loob ng limang taon simula nang malagdaan ito ng Pangulo ay kailangang nakapagtayo na ang DOH ng at least tig-i-isang specialty center sa mga rehiyon.
Napakatagal na po nating adbokasiya ito – ang pagkakaroon ng specialty centers sa malalayong probinsya o sa mga kanayunan.
Taon-taon naman, bilang tayo ang chairman ng Committee on Finance sa Senado, sinisiguro natin na tumataas ang pondo ng ating specialty hospitals upang maibigay sa mga pasyente ang kaukulang healthcare.
At ngayon ngang batas na ito, titiyakin po ng ating komite na sa ilalim ng General Appropriations Act o taunang pambansang pondo ay mailalagak ang kinakailangang pondo para sa implementasyon ng bagong batas na ito.