MARAMI ang nadismaya matapos kanselahin ni Caloocan City Mayor Oca Malapitan ang permit ng campaign motorcade ni presidential candidate Isko Moreno kahapon, unang araw ng Marso.
Maagang naisaayos ng kampo ni Moreno ang nasabing permit sa munisipyo ng Caloocan, sa pangunguna ni Aksyon Demokratiko campaign strategist Lito Banayo, ilang araw bago pa ang nasabing motorcade.
Kung kailan malapit at kinabukasan na ang motorcade, biglaan na lamang binawi ni Malapitan ang permit para rito sa dahilang bubugso umano ang trapik sa buong Caloocan dahil isinailalim na ang Metro Manila sa COVID-19 Alert Level 1.
Ikinabigla ito nina Moreno dahil maayos nilang inilapit ang permit kay Malapitan para magkaroon ng patas, makabuluhan, at masayang panunuyo sa mga botante at mga supporter nito sa Caloocan.
Hindi man katanggap-tanggap ang ginawa ni Malapitan na ngayon ay tatakbong congressman ng lungsod, taas-noo at kalmadong nagpahayag ng saloobin si Moreno para sa mga sumusuporta sa kanya sa Caloocan. “Bibigyan ko ng laya ang taumbayan na makapili ng taong iboboto. Kaya para sa lahat ng mga kandidato, sa Maynila welcome kayo!” ani Moreno.
Dagdag pa niya, hinding-hindi nila hihingan ng permit ang kahit anong campaign-related activities ng mga tatakbo sa eleksiyon sa Maynila. Hindi pa rin maitatanggi na galit na galit ang masa dahil sa trapong estilo ni Malapitan laban kay Moreno.
Matatandaan na pinayagan ni Malapitan na magkaroon ng caravan sina BBM at Sara noong ikalawang linggo ng Pebrero kung saan nasa ilalim pa ng COVID Alert Level 2 ang Metro Manila.
Siksikan at sobrang bigat ng trapiko sa Caloocan noong panahon na iyon ngunit hindi naman ito ininda ni Malapitan.
Maraming tumutol sa ginawa ni Malapitan kina Moreno at Doc Willie Ong, mala “No Permit, No Entry” na ang mga kandidatong naglalayon ng malinis na eleksiyon sa bansa. Maraming napapaisip na maaaring ang pagkansela ng permit ay dahil sa pagtakbo ng katunggali ni Malapitan na si Edgar Erice sa partido ni Moreno bilang Congressman ng Caloocan.
Masalimuot man ang pagtrato sa Caloocan, welcome na welcome naman sina Moreno sa Malabon. Ipinakita ng mga nakaupong pinuno ng Malabon ang tamang estilo ng pamumuno na maaaring ikaangat nila sa eleksiyon.
Ayon sa mga tagasuporta ni Isko, magkakampi man o katunggali, dapat patas at bukas-palad umano ang mga nakaupo para sa lahat ng kandidatong manunuyo sa taumbayan.