ITO AY isang awitin na pinasikat ni Gary Valenciano noong 1985. Ito ay isang awit tungkol sa isang lalaki na nahumaling sa isang babae na palagi siyang tinutukso na akala mo ay may gusto subalit wala naman pala. Pinaglalaruan lamang siya. Hindi na natuto ang nasabing lalaki.
Bagama’t hindi sa larangan ng pag-ibig o pagtutukso ang ating paksa ngayon, nais ko lamang ihambing ang pagiging ‘hindi natututo’ sa ilan nating mga motorista na hinuhuli at pinagsasabihan sa mga paglabag ng batas trapiko.
Ilang ulit nang napapanood sa social media at sa mga balita ang ilan sa ating mga motorista at illegal vendors na nakikipag-away at pasaway sa pagsunod sa ating mga batas trapiko. May pinag-aralan man o wala, maraming mga pasaway sa atin. Puro palusot. Puro dinadaan sa lakas ng boses. Puro rason. Puro pakiusap. Subalit hindi naman nila pinakikinggan ang paliwanag ng awtoridad kung bakit sila sinisita o hinuhuli.
Sa totoo lang, malaki ang pagbabago sa MMDA mula sa pagpasok ng pamunuan ni Chairman Danilo Lim. Alam naman natin lahat na kilala siya bilang isang batikang sundalo. Mataas ang prinsipyo. Ilalaban niya kung alam niya na tama siya. Umiiral sa kanyang dugo ang disiplina. Kumuha rin siya ng mga tao sa MMDA na alam niyang pagkakatiwalaan at sang-ayon sa kanyang adhikain sa pagbabago sa lipunan upang magkaroon ng kaayusan.
Sa kabilang dako naman ay tayong nasa pribadong sektor ay tila hindi nakikita at binibigyang halaga ang mga pagbabago na ginawa ng ating gobyerno. Imbes na tumulong ay puro angal at batikos ang ating ginagawa. Puro sisi, ngunit hindi naman nila tinitingnan ang kanilang sarili kung mayroon din silang pagkakamali.
Tulad na lamang nitong babaeng motorista na nakipagbangayan sa MMDA traffic enforcers dahil sa simpleng illegal parking violation. Nakipag-matigasan sa simpleng opensa. P200 lang yata ang penalty at maaari na siyang umalis. Subalit umiral ang yabang nitong motorista. Akala niya ay madadaan niya sa dahas.
Kitang-kita sa video na magalang ngunit matigas ang ating mga traffic enforcer upang ipatupad nila ang batas. May mga nagsasabi na dapat daw ay hinayaan na lang ang nasabing pasaway na motorista dahil naubos daw ang oras ng mga ito sa isang offender. Eh, kung hindi naman nila tutuluyan ito…nasaan na ang ating paninindigan na ipatupad ang batas? Sa totoo lang, ang pagiging viral ng video na ito ay nagsilbing ehemplo sa lahat ng nakaalam sa pangyayaring ito na seryoso ang MMDA. Seryoso sila na ayusin ang ating mga lansangan sa mga pasaway na motorista.
Pupusta ako ng isang milyong piso kung itong babaeng motorista ay kaya niyang umasta ng ganito sa Amerika. Sige nga? Sigurado ako, posas at bartolina ang kalalagyan ng babaeng ito. Ang katawa-tawa pa ay abogada pala ito! Fiscal pa!
Dumating ang kanyang asawa na isang abogado rin at tinakot pa ang mga traffic enforcer. Minura pa niya ang mga ito! Kung ginawa niya rin ito sa Amerika, tiyak na parehas silang nasa bartolina.
Haaaay…kaya nga ito ang sinasabi ko. Sa mahigit na isang taon, nakikita naman natin na masigasig at masipag ang MMDA upang linisin ang kalsada natin laban sa mga ilegal na nakahambalang na sasakyan at illegal vendors. Maski nga ang mga barangay hall sa Maynila na bumabara sa daloy ng trapiko ay kanilang ginigiba. Hindi pa ba malinaw ang menasahe ng MMDA na seryoso sila? Kaya pakiusap ko sa lahat ng mga mamamayan sa Metro Manila, sumunod na lang tayo sa pinaiiral na mga batas trapiko. Respetuhin ang mga traffic enforcer natin.
Sinampahan ng kaso ng MMDA ang mag-asawang abogado dahil sa ginawa nilang pagsuway sa mga awtoridad maski na napagtanto ng mag-asawang abogado na mali ang kanilang ginawa. Personal silang dumulog sa MMDA upang humingi ng dispensa. Ngunit mukhang tutuluyan pa rin sila ng MMDA sa pagsasampa ng kaso.
Sana ay magsilbing leksiyon ito sa lahat. Kung mayroon pa tayong mababalitaan sa mga susunod na araw o buwan na hawig sa ganitong insidente, tandaan na lang ang awitin ni Gary Valenciano…’Di Na Natuto!
Comments are closed.