MALABON CITY – KULUNGAN ang kinasadlakan ng isang lalaki matapos mabigong bayaran ang P100,000 na inutang niya sa isang negosyante nang matalo sa casino noong Biyernes ng hapon.
Nahaharap sa kasong Swindling (Alleged Estafa) sa Malabon City Prosecutor Office ang suspek na nakilala sa mga alyas na Ariel Carlos/ Rolan Rustia, 51-anyos, ng Baliwag, Bulacan.
Batay sa imbestigasyon ni PO3 Alcee Clemente Jumaquio, dakong alas-2 ng hapon, nasa Malabon Grand Casino sa Brgy. Potrero si Ireneo Lacuata 51, negosyante ng 31D, F. Nicolas St., Brgy. Niyugan nang lumapit sa kanya ang suspek at humihiram ng P100,000 para makapaglaro muli upang mabawi ang kanyang naipatalo.
Sa pamamagitan ng mga kaibigan ni Lacuata na nagbigay ng pagtitiwala at kumpiyansa, nagawang makahiram ng suspek ng naturang halaga sa biktima.
Gayunpaman, sa ikalawang pagkakataon ay muling natalo ang suspek kaya nang kinukuha na ng biktima ang hiniram nitong pera sa kanya ay wala itong naibayad.
Wala ng nagawa ang biktima at isinama ang suspek sa Malabon Police Community Precinct 2 saka ipinaaresto kay PO3 Catherine Rame bago sinampahan ng kaukulang reklamo. EVELYN GARCIA
Comments are closed.