KINUMPIRMA ng Northern Luzon Command (NOLCOM) sa pamumuno ni Lt Gen Ferny Buca (PAF) na dalawang Chinese research vessels ang namataan nila malapit sa Benham or Philippine Rise.
Ayon kay NOLCOM Public Information Office Chief Lt. Col Rodrigo Lutao, walang makakapasok sa Philippine Rise na hindi made-detect ng NOLCOM partikular ng kanilang Naval components.
Nilinaw ni Lutao , namataan ang naglalayag na dalawang barko ng China mula sa bansa nito malapit sa Benham o Philippine Rise saklaw ng Exclusive Economic Zone sa kanilang routine maritime patrol sa silangang bahagi ng Luzon.
“There was a report na nu’ng 01 March ay nasa vicinity ng Benham Rise. Based on the tracking of Naval Forces Northern Luzon, ang general direction nito ay papuntang Pacific Ocean, south southeast ang biyahe niya…we believe it is just a normal transit passage,” ayon sa Philippine Navy
Una nang sinabi ng American Maritime Expert na si Ray Powell, ang naturang mga barko ng China ay namataan sa bahagi ng Northeast Corner ng Philippine Rise sa loob ng Exclusive Economic Zone ng ating bansa.
Gamit ang mga satellite image ay inihayag ni Powell na ang dalawang barko ng China ay nagmula sa longxue island sa Guangzhou noong Pebrero 26 at naglayag patungong east southeast sa pamamagitan ng Luzon strait.
Kaugnay nito, sinabi naman ni PCG spokesperson Rear Admiral Armand Balilo na kasalukuyan na nilang bineberipika ang naturang ulat.
Nabatid na target sanang magpadala ng aerial surveillance team ang Naval Forces Northern Luzon sa area subalit bunsod ng masamang panahon ay hindi ito natuloy para kumpirmahin kung tuluyan nang nakalabas sa EEZ ng bansa ang mga barko na Haiyang Dizhi Liuhao at Haiyang Dizhi Shihao, kapwa research vessels ng PRC.
“It is not a cause of concern kasi based on UNCLOS, authorized naman dumaan sa exclusive economic zone ng isang coastal state ang maritime traffic,” ayon kay Philippine Navy spokesperson on West Philippine Sea Commodore Roy Vincent Trinidad.VERLIN RUIZ