MISMONG Philippine National police ang nagsabing wala sa mga nakumpiskang baril sa isinagawang pagsalakay sa mga bahay ni Congressman Arnulfo Teves ang assault rifle na ginamit sa Governor Degamo slay case.
Lumitaw sa sinagawang pagsisiyasat sa mga baril na nakuha ng mga tauhan ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group na siyang nanguna sa isinagawang raid sa ilang bahay ng mga Teves sa bisa ng inisyung search warrant ng Mandaue City, Cebu RTC na wala sa mga ito ang ginamit sa pamamaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at walong iba pa.
Sa panayam kay PNP spokesperson Col. Jean Fajardo ay inihayag nitong wala sa mga baril na nakuha sa mga bahay Rep. Arnie Teves ang matched sa ballistics tests sa mga punglo na ginamit sa Degamo killing.
Subalit, kahapon agad na nilinaw ni Fajardo sa kanyang ipinadalang mensahe sa media, “have yet to be submitted for cross-matching and/or ballistics examination pending presentation of the same to the court which issued the search warrant.”
Nabatid na matapos ang ginawang raid ng mga pulis at mga sundalo sa bahay nina Teves ay nakakuha ang mga awtoridad ng 10 short firearms, anim na assault rifles, 19 long magazines, ibat ibang bala.
Kaugnay nito, dinala kahapon ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang anim na empleyado ni Cong.Teves sa Camp Crame.
Nabatid na may 10 Search Warrants ang ipinatupad dahil sa paglabag sa RA 10591 at R.A.9516 na inilabas ni Hon. Allan Francisco Garciano, Executive Judge ng RTC, Mandaue City, Cebu.
Sinasabing kasama sa iimbestigahan ang anim na tauhan ni Teves na nasa kustodiya ng CIDG na nadatnan habang isinasagawa ang pananalakay sa mga properties ng mambabatas batay sa inilabas na search warrant.
Ani Fajardo, anim ang nasa pangangalaga ng CIDG habang apat ang at-large sa ngayon kabilang dito si Cong Teves.
Magugunitang, sinabi ng pulisya na isa sa mga assault rifle na ginamit sa pamamaslang kay Degamo ay kasama sa mga nakumpiskang baril sa inilunsad na hot pursuit operations.
“‘Yung mga narecover na assault rifle doon sa mga naarestong suspects after nila mahuli, nag-match doon sa post-matching at ballistic na isa doon ay ginamit sa pagpatay kay Governor Degamo,” pahayag ni Fajardo.
“Isa sa mga na-recover na ‘yun, nag-match doon sa mga bala na tumama kay Governor Degamo,” pahayag ng PNP.
Sinabi naman ni CIDG chief legal officer Col. Thomas Valmonte na ang isa sa mga empleyado ay security guard habang ang iba ay mga close associates ng mambabatas.
Magugunita na noong Biyernes, sinalakay ng mga pulis ang tatlong bahay na pag-aari ni Teves at dalawa dito pag-aari ng kaniyang secretary at close associates, sa Bayawan City at sa bayan ng Basay sa Negros Oriental.
Sa ngayon hindi pa mabatid kung kailan babalik ng bansa si Teves, gayong expired na ang travel clearance nito.
Sinabi rin ng PNP na ang ginawang raid sa bahay ng mga Teves ay kaugnay sa mga kaso ng pagpatay noong 2019.
Bukod pa umano sa isyu na kuwestyunable ang mga dokumento na isinumite nila sa PNP-FEO hinggil sa mga high powered firearms na iniingatan ni Cong Teves. VERLIN RUIZ/ EVELYN GARCIA