‘DI NAWAWALANG PAGKAIN SA ALL SAINTS’ DAY

ALL SAINTS’ DAY

HINDI mabilang ang mga pagkaing kinahihiligan ng Pinoy. Sa bawat okasyon din, may mga putaheng hindi puwedeng mawala.

Kapag nga naman All Saints’ day o All Souls’ day, hilig ng mara­mi sa atin ang pagtungo sa mga mahal natin sa buhay na namayapa na. Sa kanilang himlayan ay doon tayo nagsasaya at nagsasalo-salo. Sa ganitong okasyon din ay nagkakasama-sama ang magkakapamilya. Ginagawa nga naman itong reunion ng marami.

At dahil nagkakasama-sama ang magkakapamilya, hindi rin siyempre puwedeng mawala ang mga nakasanayang putahe. Kaya narito ang tatlong pagkaing kinahihiligan ng marami sa kahit na anong okasyon.

PANCIT

ALL SAINTS’ DAY-2Birthday man o hindi, basta’t may okasyon o pagdiriwang ay hindi nawawala ang pansit. Pampahaba nga naman ito ng buhay. Ngunit hindi lamang makikita o matitikman ang pansit kapag may birthday, reunion o kahit na anong party dahil isa rin ito sa inihahanda kapag Araw ng mga Patay.

Marami na ring variations ang pagluluto ng pansit na talaga namang kinatatakaman ng ma­rami. Ang mga sangkap din nito ay depende sa trip o panlasa ng nagluluto at maging ng kakain.

Hindi lamang din masarap ipares sa tinapay o pandesal ang pansit, dahil mayroong ilan na isinasabay o ipinang-uulam ito sa kanin.

INIHAW

Isa pa sa katakam-takam sa amoy at hitsura pa lang ay ang inihaw. Isa rin  ito sa hindi puwedeng mawala sa handaan o kahit na sa pagdiriwang ng Araw ng mga Patay.

Iba’t iba nga naman ang puwedeng ihawin depende sa gusto ng magkakapamilya. Ilan sa madalas na makikita o matitikman sa mga handaan ang inihaw na liempo o baboy, inihaw na isda at inihaw na pusit.

May iba’t iba ring spices o pampalasa ang ginagamit ng bawat tahanan para mas lalong mapalinamnam ang kanilang inihaw.

Wala rin itong kasinsarap lalo na kung ang sawsawan ay medyo maanghang. Puwede itong pang-ulam at maaari rin namang papakin.

KAKANIN

ALL SAINTS’ DAY-3Hindi nga naman buo ang isang okasyon o kainan kung walang mga kakanin na nagpapangiti sa bawat isang dadalo.

At talaga namang kapag All Saints’ Day, isa ang kakanin gaya ng puto at biko sa hindi puwedeng mawala sa handa ng mga Pinoy.

Kakaiba rin naman kasi ang sarap ng kakanin at nakabubusog pa ito kaya’t lagi itong kasa-ka­sama sa handaan ng mga Filipino.

At dahil mahilig nga namang kumain tayong mga Filipino, karugtong o kakabit din nito ang kahiligan natin sa pag-iimbento ng kakaiba at katakam-takam na putahe na tiyak na kahihiligan ng sinumang makatitikim. Kaya’t sige lang ang pagdidiskubre ng putahe dahil tiyak na papatok iyan sa pamilya at sa bawat makatitikim.

Comments are closed.