PINASISIYASAT ni Deputy Speaker at Bagong Henerasyon Partylist Rep. Bernadette Herrera ang mga food delivery service provider na hindi kinikilala ang 20% senior citizen discount na itinatakda ng batas.
Ito ay matapos na makatanggap ang kongresista ng mga reklamo mula sa mga lolo’t lola na hindi sila makapag-avail ng 20% discount sa food delivery apps tulad ng Grab Food at Food Panda.
Sa House Resolution 1626 ay hiniling ni Herrera sa kaukulang komite sa Kamara na imbestigahan ‘in aid of legislation’ ang hindi pagsunod ng mga food delivery service provider sa Repubic Act (RA) 9944 o Expanded Senior Ctizens Act.
Nakasaad sa batas na sinumang Filipino na may edad 60 pataas ay entitled sa 20% discount at exempted din sa pagbabayad ng VAT sa mga piling produkto at serbisyo.
Malinaw sa Section 3 ng batas na para sa food deliveries, ang 20% discount ay ma-i-a-apply sa pamamagitan ng pagkuha sa senior citizen ID card number at maaaring i-present ng senior ang kanyang senior citizen ID kapag dumating na ang delivery.
Umaapela si Herrera sa mga food delivery service provider na i-incorporate o ilagay sa profile ng account holder na senior citizen ang 20% discount para makapag-avail ang mga ito ng diskwento.
Aniya, batid naman ng lahat na mataas ang risk o panganib na mahawa ng COVID-19 ang mga lolo at lola kaya naman mahalagang matiyak na nananatili lamang ang mga ito sa bahay pero may kakayahan pa ring maka-access sa mga serbisyo at iba pang pangangailangan.
Malaking tulong, aniya, kung may option sa mga food delivery service para sa 20% discount ng mga senior citizen dahil magagamit ang matitipid dito na pambili ng gamot o kaya ay iba pang food supplies. CONDE BATAC
Comments are closed.