CAMP CRAME – TINIYAK ng Philippine National Police (PNP) na hindi sila gigitna o mamamagitan sa kaso ng tinaguriang ninja cops o 13 pulis na dating tauhan ni Gen. Oscar Albayalde na nadiin na rin sa 2013 agaw bato scheme, anim na taon na ang nakalilipas.
Ito ang pahayag ng buong liderato ng PNP kasunod ng rekomendasyon ng Senate Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Senator Richard Gordon, para kasuhan si Albayalde at ang 13 tauhan nito.
Ang nasabing kaso ay umano’y drug recycling ng aabot sa P648-milyon na halaga ng shabu na nakumpiska sa isang raid sa Pampanga noong 2013.
Gayunman, sa isang statement, iginiit ng PNP na nananatiling inosente ang mga inaakusahan hangga’t hindi napapatunayang nagkasala.
“The PNP will let justice, fairness, and due process of law take its course. All accused remain innocent until proven guilty,” ayon sa PNP statement.
Ipinauubaya na rin ng organisasyon kay Albayalde at sa 13 pulis ang pagbibigay ng kanilang panig kaugnay sa nasabing usapin.
Nanindigan naman ang PNP na walang magiging pagbabago sa pinatutupad na reporma at patuloy na paglaban sa krimen, ilegal na droga at katiwalian. EUNICE C.
Comments are closed.