‘DI SAPILITANG PAGSUSUOT NG FACE SHIELD

GOOD day, mga kapasada! ​Samu’t saring paksa ang ating tatalakayin sa isyu natin ngayon na may kinalaman sa suliranin ng ating mga kapasada, partikular ang mga drayber at mga operator ng pampasadang sasakyan.

Kamakailan, mga kapasada, walang pasubaling 100 percent na sinang-ayunan ng isang commuter at transport group and executive order na ipinalabas ni Manila Mayor Isko Moreno tungkol sa non-mandatory ang pagsusuot ng face shield maliban sa hospital at medical facilities. Ayon kay Atty. Ariel Inton, founder ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP),  isang win-win solution ang gagawing optional (‘di sapilitan) ang pagsususot ng face shield.  Ipinaliwanag ni Inton na hindi face shield ang sagot sa hirap ng pagsakay kundi dagdagan  ang public transportation para may masakyan ang taumbayan. Aniya, nauna na ring ipinahayag nina Speaker Lord Allan Velasco at Senate Presidente Tito Sitto na huwag nang gawing sapilitan ang pagsusuot ng face shield. Nitong Martes nga ay inaprubahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendas­yon ng IATF na tanggalin na ang paggamit ng face shield sa mga lugar na mababa ang kaso ng COVID-19 o sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 1, 2, at 3. Para sa mga nasa ilalim ng Alert Level 4, may kapangyarihan ang mga local government unit at mga pribadong esta­blisimiyento na ipatupad o tanggalin ang kautusan kaugnay sa paggamit ng face shield.

REFRESHER COURSE SA RENEWAL NG DRIVER’S LICENSE

​Inihayag kamakailan ng Land Transportation Office (LTO)  na ang lahat ng driver na magpapa-renew ng kanilang license ay kailangang kumuha ng refresher course kahit na sila ay mga eksperyensadong driver. Ayon sa LTO, ang comprehensive driver’s education (CDE) ay ipinatutupad  hindi para makapagdulot ng burden sa mga driver taliwas sa sinasabi ng ilang transport group na tutol sa mandatory refresher course. ​Ipinaliwanag ng Land Transportation Management System na “it’s not actually burdensome to the drivers as they have choices na ang tinutukoy ay ang free CDE course na ipagkakaloob sa mga driver sa  pamamagitan ng LTTMS. ​Ang LTMS ay bagong sistema na nagpapahintulot sa pamamagitan ng online applications of new and renewed driver’s licenses under various restrictions. ​Ang mga electronic device, tulad ng computer tablet, laptop o mobile phone ay maaaring gamitin sa pag-aaplay para sa renewal ng driver’s license.​ ​Ang magpapa-renew ng kanilang driver’s license ay kailangang panoorin ang visual presentation on basic defensive driving, road courtesy , traffic rules and regulations sa loob ng limang oras.​Pagkatapos ng panonood ng video, ang aplikante ay dapat sagutin ang 25  katanungan.  Ang aplikante na makasasagot ng 13  tamang sagot ay eligible para makakuha ng driver’s license. ​Samantala, ang aplikante na makakukuha ng perfect score na 25 o walang mali ay mabibigyan naman ng pagkakataong ma-renew ang kanyang  driver’s license para sa loob ng 10 taon validity. ​Nilinaw naman ng LTO na kung ikaw ay nagkaroon ng violation sa batas ng trapiko sa  nakaraang limang taon, maaari rin itong i-renew ngunit ang incentive na validity for 10 years ay para lamang sa matitinong driver na walang naging paglabag sa itinakdang panahon.

PARAÑAQUE MAYOR EDWIN OLIVAREZ PINAKAMAHUSAY NA ALKALDE SA PAMAMAHALA NG TRAPIKO

​Pinarangalan kamakailan si Paranaque Mayor Edwin Olivarez bilang pinakamahusay na alkalde para sa pamamahala ng trapiko sa lungsod. ​Napatino ni Mayor Olivarez ang dati’y buhol-buhol na trapiko sa lungsod na ang  innovation na kanyang isinagawa ay sa pamamagitan ng paglikha ng bike lane na naging epektibo sa pagpapabilis ng daloy ng trapiko. ​Ang ganitong innovation ay ginawa ni Mayor Olivarez ay ipinagpatuloy hanggang sa panahon ng COVID-19 pandemic. ​Sa kahabaan ng Sucat  Road ginawan ng sariling linya ang mga biker at motorcycle rider para hindi makalikha sa buhol ng trapiko para sa mga pampublikong sasakyan. ​Si Mayor Olivarez ay pinarangalan bilang Most Outstanding City Mayor for Traffic Management sa Metro Manila. Ang pagkilalang ito ay ipinagkaloob sa kanya ng National Capital Region Police Office Press Club dahil sa pagbaba ng bilang ng mga lumalabag sa trapiko sa lungsod ng Paranaque noong 2018.

​LAGING TATANDAAN:  UMIWAS SA AKSIDENTE UPANG BUHAY AY BUMUTI. ​HAPPY MOTORING!