KUKUMPISKAHIN ng Bureau of Customs (BOC) ang mga produktong petrolyo na hindi sasailalim sa fuel marking program ng gobyerno.
Ito ang babala ni Customs Associate Commissioner Vincent Philip Maronilla kung saan sinabi niya na pagsapit ng Pebrero 9 at nabigo ang mga oil company na tumalima sa fuel marking ay kukumpiskahin ng BOC ang mga nakaimbak na produktong petrolyo
“We have already warned them that if they don’t comply by February 9, 2020, then whatever stock that they have na hindi markado, we will confiscate,” wika ni Maronilla.
“We don’t extend deadlines,” giit pa ni Maronilla.
Tiniyak pa ni Maronilla na agad na sasampahan ng kaso ang mga may-ari ng oil companies na mabibigong tumalima sa nabanggit na programa.
Ayon kay Maronilla, wala nang maidadahilan ang mga kompanya ng langis na hindi susunod sa kanilang kautusan kaugnay sa fuel marking dahil nabigyan na ang mga ito ng sapat na panahon bilang palugit upang tumalima.
Sinabi pa ni Maronilla na layunin ng BOC na maayos na makapagbayad ng buwis sa Bureau of Internal Revenue (BIR) ang oil companies sa bansa.
Layunin ng naturang programa na labanan ang laganap na oil smuggling sa bansa dahil sa ipinatutupad na Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law.
Samantala, tiwala si Maronilla na makakamit ng BOC ang P730-bilyong target collection para sa taong 2020 sa sandaling maging fully implement-ed ang nabanggit na programa kontra smuggling ng mga produktong petrolyo.
Marami rin aniyang mga reform agenda na ipinatutupad si Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero kung kaya kumpiyansa siyang makakamit ang target collection para sa taong kasalukuyan.
Ipinaliwanag pa ni Maronilla na bagama’t nabigo ang ahensiya na makamit ang target collection noong nakaraang taon na nagkakahalaga ng P66 bilyon ay makukuha ang collection target ng taong kasalukuyan.
Ilan lamang, aniya, sa mga dahilan nito ay ang kabiguang maipatupad ang fuel marking, ang malakas na palitan ng piso kontra dolyar, macro- economic assumptions at ang mababang importasyon ng iba’t ibang produkto. EVELYN QUIROZ
Comments are closed.