CAVITE – UMARANGKADA na naman ang modus operandi ng “Dura-Dura Gang” makaraang biktimahin ang 32-anyos na diakonesa sa loob ng minibus sa Brgy. Zapote Kalinisan sa Bacoor City nitong Lunes ng umaga.
Sa impormasyong nakalap ng Pilipino Mirror, pauwi na si Diak. Rachel Regondola sa bayan ng Naic mula sa kanyang destino sa San Nicolas IEMELIF Church sa nasabing lungsod nang mabiktima ng nasabing grupo.
Nabatid na lulan ng minibus ang biktimang bitbit ang backpack at body bag na pagsapit sa bahagi ng Brgy. Niog sa kahabaan ng Aguinaldo Highway ay kinalabit siya sa likuran ng isa sa apat na miyembro ng Dura-Dura Gang saka sinimulan ang kanilang modus operandi.
Napukaw ang atensyon ng biktima sa sinabi ng lalaki na may dumura sa kanyang backpack at t-shirt na suot kaya kumuha siya ng pamunas subalit lingid sa kanyang kaalaman ay dinukot na ang pitaka mula sa body bag na nalalaman ng malaking halaga at iba’t ibang identification cards.
Kaagad na bumaba ang dalawang lalaki sa harapan ng malaking mall sa Bacoor City habang ang dalawa naman ay bumaba sa gilid ng Aguinaldo Highway sa Brgy. Habay kung saan napansin ng biktima na nawawala ang kanyang pitaka.
Gayunpaman, sa takot ng biktima na magtungo sa police station ay hindi na nakuhang magpa-police blotter kaugnay sa naganap na insidente.
Pinaniniwalaan naman na kasabwat ng 4 na miyembro ng “Dura-Dura Gang” ang mga tiwaling minibus driver at conductor na may rutang Brgy. Zapote patungong Naic, Kawit, Noveleta, Rosario at Cavite City. MARIO BASCO