DIALYSIS CENTER OWNERS ARESTUHIN

WELLMED-2

INIUTOS ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pag-aresto sa mga may-ari ng dialysis center na dawit sa umano’y ghost dialysis treatment scam.

Sa isang panayam kay Pangulong Duterte, inatasan nito ang ang National Bureau of Investigation (NBI) na ipatawag ang lahat ng dawit sa umano’y maanomalyang ‘ghost’ dialysis.

Kasabay nito, ipinahiwatig din ng Pangulo ang posibleng pagbalasa sa mga opisyal ng Philippine Health Insurance Corp. (Phil-Health) kaugnay sa natuklasang scam.

Anang Pangulong Duterte, pananagutin din nito ang lahat ng mga opisyal ng pamahalaan na mapatutunayang sangkot sa ghost dialysis treatment scam.

“I have to reorganize your entity, change maybe all of you and install more systems of accounting and accountability,” dagdag pa ng Pangulo.

Inaasahang ipatutupad ng Pangulong Duterte ang pagbalasa sa mga opisyal ng Philhealth sa pagbabalik nito sa Malakanyang sa linggong ito.

Gayunpaman, tahasang sinabi ng Pa­ngulo na nananatili pa rin ang kanyang tiwala sa kasalukuyang president at CEO ng Phil-Health na si Roy Ferrer.

Nauna rito, ipinag-utos na ng Pangulo ang pagsasampa ng kaso sa may-ari ng WellMed dialysis center sa Novaliches sa Quezon City dahil sa paniningil na ginawa sa PhilHealth gayong patay na ang kanilang pasyente.

Sinabi pa ng Pangulo na nais niyang alamin kung gaano kalalim ang katiwalian sa PhilHealth.

Magugunitang nasangkot na rin sa mga nakalipas na panahon ang PhilHealth sa ilang isyu ng kurapsyon lalo’t na­gamit umano ang pondo ng ahensya sa kandidatura ng isang nanalong senador.

SANGKOT SA DIALYSIS SCAM AALISAN NG ACCREDITATION

TINIYAK kahapon ni Health Secretary Francisco Duque III na mawawalan ng akreditasyon at mahaharap pa sa kasong kriminal ang mga accredited healthcare providers ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) na mapapatuna­yang sangkot sa fraudulent activities.

Ayon kay Duque, mismong si Pangulong Rodrigo Duterte na ang nagsabi na kailangang mapatawan ng matinding kaparusahan ang mga naturang mapanlinlang at mapagsamantalang healthcare providers upang matuto ng leksiyon.

“Binabalaan ko ang mga healthcare providers na gumagawa nito dahil talagang mapapatawan kayo ng criminal case. Pati si Pres-idente Duterte nagsa­lita na kailangan patawan sila ng matinding kaparusahan para sila ay matuto, otherwise, baka talagang forever ma revoke ang kanilang operations,” paha­yag ni  Duque, sa panayam sa radyo.

Hinikayat  naman ng kalihim ang publiko na kaagad na isumbong sa kinauukulan kung mayroon silang nalalamang ganitong mga klase ng iregularidad.

“Ako’y nakikiusap sa ating mga kababayan, na kung meron kayong nalalaman na katiwalian na ginagawa ng ating healthcare providers… ay huwag po kayong mag-dalawang isip na isiwalat po ito,” aniya.

Ang pahayag ay ginawa ni Duque kasunod nang pumutok na isyu nang umano’y mga ghost kidney dialysis claims sa Phil-Health.   ANA ROSARIO HERNANDEZ