(Dialysis patients tumaas ng 15%) MAS MATAAS NA HEMODIALYSIS COVERAGE NG PHILHEALTH PINURI

PINAPURIHAN at lubos na nagpapasalamat si KABAYAN Partylist Rep. Ron Salo sa Board Resolution No. 2718 na ipinalabas ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) kung saan mula sa 90 sessions ay itinaas nito sa 144 sessions ang hemodialysis service na maaaring matanggap ng indigent patients at qualified members ng huli.

Ayon sa KABAYAN party-list lawmaker, sa pamamagitan ng nasabing PhilHealth resolution, nabigyan ng pag-asa at napawi nito ang pangamba ng mahigit sa 36,000 indigent patients sa bansa na pinuproblema ang pantustos sa kinakailangan nilang dialysis sessions.

Nabatid na sa ilalim ng Board Resolution No. 2718, s. 2022 at itinatakdang Implementing Circular No. 2022-0017 nito, na ipinalabas ng PhilHealth kamakalawa, August 3, 2022, ang ibinibigay nitong Outpatient Hemodialysis Benefit Package para sa mga pasyenteng may chronic kidney disease stage 5 (CKD-5) ay maaari ng makatanggap ng hanggang sa 144 hemodialysis sessions para CY 2022.

Nauna rito, personal na ipinaabot ni Salo, sa kanyang pakikipagpulong kay PhilHealth’s OIC Executive Officer Eli Dino Santos kamakailan, ang saloobin ng mga hemodialysis patient at pamilya ng mga ito partikular ang kahilingang maitaas ang maximun dialysis sessions na ibinibigay ng ahensiya.

Sumunod nito ay nakipagkita rin ang kongresista kay Department of Health (DOH) Officer-In-Charge, USec. Maria Rosario Vergeire, patungkol pa rin sa nabanggit na apela na indigent patients kung saan tiniyak naman ng huli sa una na may kaukulang hakbang nang ginagawa rito ang PhilHealth.

“This timely intervention is immensely welcomed as this will help many of our countrymen and women who are fighting to prolong their lives,” pahayag ni Salo.

Base sa datos ng PhilHealth, nasa 2.3 million Filipino ang nakararanas ng chronic kidney disease o CKD at sa taong 2016 lamang, ay mahigit sa 36,000 patients ang kinailangang sumailalim sa dialysis treatment.

Subalit ang mas nakababahala, ayon sa PhilHealth, nakapagtala sila ng pagtaas sa 15 percent sa kabuuang bilang ng mga dialysis patients sa loob lamang ng isang taon.

Samantala, bukod sa pagtataas sa maximum hemodialysis coverage ng PhilHealth, isinusulong din ni Salo, sa inihain niyang House Bill No. 723, ang pagsasailalim sa organ transplant bilang long-term solution para sa mga may malubhang sakit sa kidney.

“There are many Filipinos suffering from chronic renal failure. It is high time that we institute programs that will strengthen our services for CKD patients and improve their quality of life,” pagbibigay-diin pa ni Salo. ROMER BUTUYAN