NADOMINA ni Nicola Queen Diamante ang anim sa pitong events na nilahukan para tanghaling ‘most bemedalled’ swimmer sa pagtatapos ng 1st Novice Swim Championship sa maulang Linggo sa Teofilo Ildefonso swimming pool sa loob ng makasaysayang Rizal Memorial Sports Complex (RMSC) sa Malate, Manila.
Nagningning si Diamante, miyembro ng RSS Dolphines Swim Team, sa girls 11-yrs old class A 25-meter free style sa oras na 14.30 segundo, butterfly (14.80), backstroke (16.30), breastroke (21.40), 50-meter freestyle (30.40), at 100-m Individual medley (1:29.40).
Hindi nakumpleto ni Diamante ang sweep sa grassroots development program ng Congress of Philippine Aquatics, Inc. (COPA) na pinamumunuan ni Batangas 1st District Congressman Eric Buhain at suportado ng Speedo nang masilat kay Alex Pasia ng Sharknado Swimming Team sa 100-m freestyle (45.80) sa tiyempong 1:09.10.
Noong nakaraang buwan sa Reunion swimfest ng COPA, itinanghal din si Diamante na top swimmer tangan ang apat na gintong medalya sa Class A 100-m butterfly (1:21.30); 100-m backstroke (1:24.70); 100-m freestyle (1:11.00) at 200-m back (3:04.90).
“Masayang-masaya po ako at nagpapasalamat sa COPA dahil tuloy-tuloy ang tournament nila sa mga kabataang tulad ko. Mas gagalingan ko pa po sa susunod. Medyo maginaw na kanina kaya hindi na ko masyadong nakahirit,” pahayag ni Diamante, patungkol sa malakas na hangin at bahagyang pag-ulan dala ng bagyong Karding.
Idineklara ng weather bureau ang signal No.3 sa Maynila bandang hapon ngunit masuwerte ang organizers na natapos ang event pagkatapos ng lunch break.
“Inagad nga namin after we receive the info about the signal warning. Pasalamat naman kami at natapos nang maaga at napauwi natin ang lahat bago pa bumuhos ang ulan. Hindi na kami nag-awarding, abot na lang ‘yung mga medals,” pahayag ni technical director head Richard Luna.
Sinabi ni COPA Board member Chito Rivera na inaasahan niya ang malaking partisipasyon ng public school students habang inihayag ang planong doblehin ang bilang ng mga kalahok sa susunod na tournament — ang Reunion 3rd leg swim challenge sa Oktubre 22-23. Naka-line up din ang Sprint meet sa pagpapakilala ng SKINS Swim event (Nov. 12-13); at Short Course Yuletide Swimming Championship (Dis. 10-11).
Ang iba pang mga nagwagi ay sina Chloe Phoemela Constantino sa 14-yrs 25-m frestyle (class C, 15.70), Alexandra Pascua (class N, 18.10), 15-over 25m freestyle; Mary Christine Llorente (class A, 13.95); Katreena Via Duque (class C, 14.50); Faith Real (class N, 17.20); Isebelle Ramirez (class A, 44.90); Eunice Jacinto (class N, 55.60); 9-yrs 50-m free, Alandria Delantar (class A, 36.20); Alexndra Cai (class C, 47.40); Rafaella Decano at Shane Salvador (class N, 49.50); 10-yrs 50-m free, Allianah Soriano (class A, 35.80), Ianne Zafra (class C, 45.50); Kate Lopez (class N. 48.70); 11-yrs 50-m free, Alex Pacia (class C, 42.30); at Simone Llanto (class N, 45.05).
EDWIN ROLLON