DIARRHEA OUTBREAK: 6 PATAY

QUEZON- PATULOY ang pagtaas ng bilang ng nagkakasakit ng diarrhea sa lalawigan ito kung saan pumalo na sa anim na Dumagat ang naitalang namatay na nagsimulang umatake nitong Setyembre 26.

Ayon sa pahayag ni Kristine Villasenor, Quezon provincial health officer, ang bilang ng mga nasawi ay mula sa 70 kaso na may severe diarrhea na nagsimula sa Barangay Lumutan sa General Nakar, Quezon.

Sa pahayag ng opisyal, ilan sa mga nasawi ay ilang araw ng kinakitaan ng sintomas ng diarrhea at dead on arrival ang mga ito nang isinugod sa rural health unit sa Tanay, Rizal.

Base sa tala ng Quezon provincial health office, bukod sa paglaganap ng diarrhea sa lugar marami sa mga mamamayan ang may lagnat, ubo at sipon.

Agad namang nagsagawa ng medical mission ang Department of Health sa General Nakar katuwang ang municipal health office at Southern Luzon command kung saan namahagi sila ng mineral water, medicines at mga herbal supplement sa lahat ng apektadong barangay.

Isasailalim din sa pagsusuri ng DOH ang mga source ng tubig ng mga naninirahan sa lugar para makontrol ang paglaganap ng sakit. ARMAN CAMBE