MAHIGPIT na naglalaban ang ‘cream of the crop’ ng Philippine sports na nagbigay ng karangalan sa bansa noong 2022 para sa Athlete of the Year honor ng Philippine Sportswriters Association (PSA).
Sina Olympic gold medalist Hidilyn Diaz, world-ranked pole vaulter EJ Obiena, two-time world champion Carlos Yulo, at history makers Alex Eala at Filipinas football team ang mga kandidato para sa coveted individual award na eksklusibong ipinagkakaloob ng pinakamatandang media organization ng bansa.
Ang traditional San Miguel Corporation (SMC)-PSA Awards Night ay gaganapin sa March 6 sa Ballroom ng Diamond Hotel.
Ipagkakaloob din sa isa sa pinakamalaking PSA Awards Night sa mga nakalipas na taon na itinataguyod ng Philippine Sports Commission, ICTSI, OK, 1Pacman, Rain or Shine, at OKbet ang President’s Award, Hall of Fame, Lifetime Achievement Award, National Sports Association of the Year, Executive of the Year, Mr. Basketball, Ms. Football, Major Awards, Tony Siddayao Awards, Pioneers/Founders Awards, Lifetime Award in Sports Journalism, at ang kadalasang citations.
Pinangungunahan nina Diaz and Co. ang isa sa ‘most remarkable periods’ sa kasaysayan ng Philippine sports.
Ang taong nagdaan ay nasa final month na nito nang magwagi ang 31-year-old na si Diaz ng gold sa 88th IWF World Weightlifting Championships sa Bogota, Colombia. Winalis ng kauna-unahang Olympic gold medalist ng bansa ang women’s 55 kg class nang dominahin ang snatch, clean and jerk, at total lift sa world meet sa kauna-unahang pagkakataon.
Matikas namang sinimulan ng Team Filipinas ang 2022 campaign ng bansa nang makopo ang historic ticket para sa kauna-unahang pagsabak sa FIFA Women’s World Cup. Nagawa ito ng mga Pinay booter sa pagtala ng best finish na third place sa AFC Women’s Asian Cup na ginanap sa Pune, India noong nakaraang Pebrero. Sa pagitan ng mga tagumpay na ito ay kuminang din sina Yulo, Obiena, at Eala.
Si Yulo ay nagwagi ng tatlong gold medals sa 9th Asian Artistic Gymnastics Championships sa Doha, Qatar, at kalaunan ay silver at bronze sa 51st FIG Artistic Gymnastics World Championships sa M&S Bank Arena sa Liverpool, England.
Hindi nagpadaig si Obiena, 27, na nakopo ang historic bronze medal sa World Athletics Championships sa Oregon sa likod ng bagong Asian-high record na 5.94 meters sa men’s pole vault. Ang tagumpay ay nag-akyat sa Tondo native sa no. 3 sa world rankings.
At si Eala? Sino ang makalilimot kung paano pinahanga ng charming Filipina ang mundo ng tennis nang masikwat niya ang 142nd US Open junior girls’ singles championship sa Flushing Meadows, New York. Ang kanyang 6-2, 6-4 victory kontra Czech Lucie Havlickova sa finals ay naging daan para tanghalin siyang kauna-unahang Filipino na nagwagi ng junior singles grand slam crown.
Nagkataon na ang lahat ng limang ito ay nanalo rin ng mga medalya sa 31st Southeast Asian Games, kung saan pinangunahan ni Yulo ang kampanya ng bansa sa paghakot ng kabuuang limang golds sa pagtatapos ng Pilipinas sa fourth place sa Vietnam.