NANINIWALA ang Simbahang Katoliko na tinalikuran ng maraming miyembro ng House of Representatives ang kaniláng mandato na protektahan ang pamilya at pagiging sagrado ng kasal sa pagkakapasa ng Absolute Divorce Bill.
Sinabi ni Fr. Jerome Secillano, executive secretary ng Catholic Bishops Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Public Affairs na kontra sa kasal, pamilya, at mga bata ang diborsiyo.
Diniin niya na hindí kailangan pa na gawing legál ang diborsiyo sa bansâ.
Hindi aniya diborsiyo ang panghuling solusyón o opsyón sa kinahaharap na mga problema ng mga mag-asawa.
Inaprubahan ng plenaryo ng Kamara sa third and final reading ang kontrobersyal na divorce bill sa gitna ng hating pananaw ng mga kongresista at sambayanan sa naturang panukalang batas matapos ang ilang taon na pagbabasura sa measure na ito ng mga nakaraang Kongreso.
Ito ay inaprubahan ng 126 kongresista na bumoto ng pabor at ang pinakamalaking negative vote na 109 sa Kamara habang 20 naman ang naitalang nag -abstain sa naturang panukalang batas.