HANGZHOU, China – Nagmartsa sina Margielyn Didal at Renzo Mark Feliciano sa medal race sa 19th Asian Games skateboarding women’s at men’s street Martes ng hapon sa Qiantang Roller Sports Centre sa Zhejiang Province dito.
Sinandalan ng defending champion na si Didal, 24, ang second run 41.53 best scores upang lumanding sa pang-anim sa walong qualifiers ngayon (Miyerkoles) mula sa siyam na kalahok.
May 37.86 points ang Pinay skateboarder buhat sa Cebu sa run 1 ng heats bago humarurot sa second at sumabit sa finalists sa tsansang sundan ang gintong medalyang hinablot sa 2018 Jakarta-Palembang Asiad.
Nag-1-2 sina Chinese Wenhui Zeng (69.15) at Chenxi Zui (66.36), 3-4 sina Japanese Yumeka Oda (65.26) at Miyu Ito (53.96), panlima si Vareeraya Sukaem (45.39), pampito si Nathtiyabhorn Nawakitwong (39.84) at pangwalo si Korean Siye Ha (12.12).
Sa men’s side, tinodo ni PH 2019 SEA Games silver medalist Feliciano ang gilas sa pag-iskor ng 52.73 upang pumampito kasunod ang mababang 23.10 sa second run.
Top 3 finishers sina Nippon Ginu Onodera (80.47), Korean Jihoon Jeong (74.49) at hometown bet Jie Zhang (72.56). Ang Indonesian, Chinese, Japanese at Indonesian ang sumakop sa 4th, 5th, 6th at 8th, ayon sa pagkakasunod-sunod.
Ibabawi nina Didal at Feliciano ang pagkabokya sa medalya nina Jericho Francisco Jr. at Mazel Paris Alegado na pumang-apat at pampito sa men’s at women’s park noong Lunes, ayon sa pagkakasunod.
Ikalawang sunod na pagkakataon na medal sport ang skateboarding sa quadrennial continental sportsfest.