(Diesel, kerosene may rollback) GASOLINA MAY P1.15/L PRICE HIKE

SA ika-10 sunod na linggo ay may pagtaas sa presyo ng gasolina simula ngayong Martes, habang may rolbak naman sa diesel at kerosene.

Sa magkakahiwalay na abiso, sinabi ng Chevron Philippines Inc. (Caltex), Pilipinas Shell Petroleum Corp., at Seaoil Philippines Inc. na tataasan nila ang presyo ng kada litro ng gasolina ng P1.15, habang may bawas-presyo sa diesel ng P0.35 kada litro at kerosene ng P0.30 kada litro.

Magpapatupad ang Cleanfuel at Petro Gazz ng kaparehong adjustments maliban sa kerosene na hindi nila ibinebenta.

Epektibo ang pagbabago ng presyo ngayong alas-6 ng umaga para sa lahat ng kompanya maliban sa Cleanfuel na mag-aadjust sa alas-4:01 ng hapon at Caltex sa alas-12:01 ng umaga ng parehong araw.

Samantala, simula kahapon, Nobyembre 1, ay may dagdag sa  presyo ng liquefied petroleum gas (LPG). Ito na ang ika-5 sunod na buwan na may pagtaas sa presyo ng LPG.

Sa abiso ng Petron Corp., ang presyo ng kada kilo ng kanilang LPG ay tumaas ng P3.10, at AutoLPG ng P1.73.

Sa datos ng Department of Energy (DOE), hanggang noong  October 1, 2021, ang presyo ng household LPG sa Metro Manila ay mula P824.00 hanggang P1,039.