INANUNSIYO ng ilang kompanya ng langis na magkakaroon ng bawas sa presyo ng produktong petrolyo simula ngayong Martes, Oktubre 8.
Ayon sa Shell, Caltex, Seaoil, Petro Gazz, PTT Philippines at Total, P1 ang bawas sa presyo ng kada litro ng diesel at P0.80 sa kada litro ng gasolina.
Magpapatupad din ang Shell, Caltex at Seaoil ng P1.15 bawas sa kada litro ng kerosene.
Epektibo ang mga bagong presyo simula alas-6 ng umaga maliban sa Caltex na magpapatupad 12:01 ng hatinggabi.
Nauna nang magpatupad ang Cleanfuel at Phoenix Petroleum ng bawas-presyo noong weekend.
Kung susumahin, mula Enero hanggang Oktubre 8, P6.79 na ang iminahal (net increase) ng kada litro ng gasolina habang P6.44 naman sa kada litro ng diesel.
Posibleng magkaroon ulit ng rollback sa presyo ng petrolyo sa susunod na linggo dahil lolobo pa raw ang produksiyon ng langis ng Saudi Arabia kasunod ng pambobomba doon at paglakas ng piso kontra dolyar, ani Rino Abad, direktor ng Oil Industry Management Bureau.
Samantala, dalawang kompanya pa lang ang tumutugon sa show-cause order na ipinadala ng Department of Energy noong nakaraang linggo sa mga kompanya ng langis dahil sa umano ay kulang na bawas-presyo sa langis.
Shell at Chevron pa lang ang nagpapaliwanag kahit nitong Lunes ang deadline, ani Abad.
Wala ring sumagot sa mga manufacturer ng liquefied petroleum gas (LPG) matapos ding padalhan ng DOE dahil sa umano ay mataas na dagdag-singil sa presyo.
Comments are closed.