PINAG-AARALAN ng pamahalaan ang posibi¬lidad na mag-angkat din ng diesel sa Thailand.
Ayon kay Energy Undersecretary Felix William Fuentebella, ito ay dahil walang agarang solusyon na maibibigay sa mga consumer ang planong pag-aangkat ng gobyerno ng diesel mula sa Russia.
Aniya, ang naturang produkto ay iiimbak lamang at maaari lamang gamitin sa emergency situation.
Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi pa ni Fuentebella na base sa pagtaya ng state-owned Philippine National Oil Company-Exploration Corporation (PNOC-EC), aabot sa 240 milyong litrong diesel ang aangkatin ng bansa sa Russia sa pamamagitan ng gov-ernment to government na transaction.
“It’s for stockpiling, it’s a support on the minimum inventory requirement, so more of energy security,” sabi ni Fuentebella.
Tiniyak pa ni Fuentebella na patuloy ang paghahanap ng gobyerno ng pamamamaraan upang makabili ng diesel sa ibang bansa na hindi kasapi ng Organization of the Petroleum Exporting Countries (OPEC) na naghigpit sa produksiyon na nagdulot ng patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado.
Bagama’t walang agarang impact ang hakbang ng gobyerno na pag-angkat sa Russia ng diesel ay makikinabang din, aniya, ang bansa sa nalalapit na panahon dahil na rin makapagpapalakas ito sa kompetisyon sa supply ng produktong petrolyo.
“The rippling effect is the most important one, to enhance competition…we are utilizing our government to government relationship,” dagdag pa niya. EVELYN QUIROZ
Comments are closed.