PUMASOK na naman ang Bagong Taon, tiyak na marami na namang nailista sa ating New Year’s resolution.
Sa mahabang listahan na iyan, karaniwan na ang paghahangad ng maayos na kalusugan, masaganang pamumuhay, at siyempre ay hindi mawawala ang pagdidiyeta. Ngunit alam niyo ba na ang bulsa at pitaka natin ay puwede ring magdiyeta?
Ito ang tinatawag na “Spending Detox” o ang panahon kung kailan hindi ka gagastos para sa mga bagay na hindi kinakailangan. Dito ay didisiplinahin mo ang iyong sarili tulad ng pagda-diet kung saan binabawasan at iniiwasan ang mga nakasasama sa kalusugan.
Ganito rin ang nararapat para sa inyong mga bulsa at pitaka. Iwasan ang paggastos sa mga ‘di kailangan o ang paggastos ng sobra-sobra na maaaring sa pagkain, sa pananamit at sa luho.
Subukan natin ang 30-Day Spending Detox Challenge kung saan babantayan ang bawat pagpasok at paglabas ng pera sa inyong mga bulsa at pitaka upang linisin ang mga hindi magagandang gawi sa paggastos.
Bawat diyeta ay may sinusunod na mga hakbang upang maging matagumpay. Narito ang ilan sa mga hakbang na puwedeng sundan:
PLANADONG Y.O.L.O
Karaniwang maririnig ito sa mga kabataan, “You Only Live Once.” Kaya susundin nila kung ano ang kanilang gusto. Maaari namang mag-YOLO na disiplinado. Sa mga pagkakataong nagkakayayaan ang tropa para gumala, kumain sa labas, o manood ng pelikula, nariyan ang pressure para gumastos.
Baka oras na para mas maging disiplinado sa pagiging YOLO. Sa loob ng tatlumpong araw, subukan ang sarili na tumanggi sa mga gala at yaya ng tropa na alam mong mapagagastos ka.
Maaaring maging alternatibo ang yayain ang tropa sa bahay upang manood ng pelikula, magluto at kumain o mag-ambagan para sa pagkain o inumin. Nang sa gayon, hindi mapapagastos ng higit sa kung ano ang naka-budget.
Tipid na, nag-enjoy ka pa kasama ang tropa na hindi gumagastos ng malaki at mas makaiipon ka pa.
IWAS FAST FOOD O ANG PAGKAIN SA LABAS
Karaniwan nang takbuhan ang iba’t ibang fast food chain para kumain lalo sa ngayong mabilis ang takbo ng pamumuhay. Lingid sa ating kaalaman, bukod sa unti-unti nitong binubutas ang ating mga bulsa ay uni-unti rin nitong inaagrabyado ang ating kalusugan.
Mas mainam na kumain na lamang sa bahay. Ikaw ang bahalang maghanda ng iyong pagkain. Hindi lang mga fast food ang may budget meals, imbes na puro karne ay kumain ng gulay.
Maganda rin ang maging kaugalian ang pagbabaon ng sariling pagkain sa eskuwela man o sa trabaho. Mas makatitipid ka, mas healthy pa ang iyong pagkain. Hindi lang bulsa mo ang lulusog kundi maging ikaw.
NO, NO, NO SA ONLINE SHOPPING
Nauso ang 11.11, 12.12, at kung ano-ano pang promo sa online shopping apps. Nakaaakit ang murang halaga ng mga bilihin ngunit ang tanong ay kailangan mo ba ang mga idinadagdag mo sa iyong cart?
Isang magandang paraan para makaiwas sa tukso ay i-uninstall ang lahat ng online shopping apps na mayroon ka sa iyong gadget. Sa ganitong paraan, hindi mo na uugaliin na tingnan kung ano ang mga naka-sale online. Sa susunod na tatlumpong araw para sa iyong spending detox tiyak na makikita mo kung gaano kalaki ang iyong natipid.
PANGALANAN ANG BAWAT SINGKO
Hindi lang singkong duling ang puwede nating ipangalan dito. Isa sa epektibong paraan ay papangalanan mo ang bawat salaping daraan sa iyong kamay pagkatapos matanggap ang iyong suweldo ng sa gayon ay mas madali mong malaman kung saan napupunta ang iyong salapi.
Halimbawa, kung nagbabayad ng bills tulad ng koryente, tubig, o koneksiyon ng internet, mas mainam na itabi ang halaga na nakalaan para rito at lagyan ito ng naaangkop na pangalan. Sa paraang ito, walang salapi ang hindi mailalaan sa mga hindi kinakailangan.
Mahirap ito sa simula. Matutukso’t matutukso ka, ngunit lahat naman ay mahirap sa simula. Walang nagtatagumpay na hindi dumaan sa paghihirap. Ngunit sa tamang disiplina at tamang mindset tiyak na ito ay mapagtatagumpayan. MARY ROSE AGAPITO
Comments are closed.