DIGITAL AGRICULTURE PALALAKASIN

AGRI OUTPUT

TARGET ng Bureau of Plant Industry (BPI) na palakasin ang digitalization ng agrikultura para makatulong sa pagpaparami ng produksiyon.

Ang digital agriculture ay kinasasangkutan ng paggamit ng tools tulad ng smartphones, computers at internet upang suriin ang agricultural data.

Sa isang public briefing, sinabi ni BPI National Urban and Peri-Urban Agriculture Program and High Value Crops Development Program director Gerald Glenn Panganiban na ang dagdag na budget na ipinagkaloob ng Department of Agriculture (DA) ay ilalaan sa pagpapalakas ng research centers at pagtatayo ng smart agricultural greenhouses sa mga piling lugar sa buong bansa upang sanayin ang mga magsasaka at stakeholders sa paggamit ng technological advancements.

“Of course, hindi pa po ito perpekto sa ngayon dahil ito po ay ating sinimulan, pero nakikita na po natin ang outputs nito at sa katunayan, masaya naman po ang ating mga farmers,” sabi ni Panganiban.

Ang research centers ay bubuksan para sa mga magsasaka upang magsilbing training centers sa sistema ng paggamit ng advanced technology at kung paano gamitin ang digitalization sa kani-kanilang komunidad at organisasyon.

Sa kasalukuyan, ang BPI ay may smart greenhouses na may controlled watering, plant nutrition at pest monitoring na matatagpuan sa Baguio at piling regional offices sa buong bansa.