NAKATAKDANG ilunsad ng Land Transportation Office (LTO) at Department of Information and Communications Technology (DICT) ang online o electronic na bersyon ng driver’s license sa bansa.
Ito ay bilang pagtalima sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na ipatupad ang digitalization sa mga ahensiya ng gobyerno.
Ayon kay LTO Chief Jay Art Tugade, ang digital driver’s license ang magsisilbing alternatibo sa pisikal na license card at maaari itong ma-access o makita sa isang “super app” na nilikha ng DICT.
“The advantage of the digital license is that motorists can present it to law enforcement officers during apprehension.
It is equivalent to presenting the physical driver’s license,” paliwanag ni Tugade.
“We also appreciate the way the super app functions similarly to a wallet, containing all government IDs, among other things, within your mobile device,” dagdag pa nito.
Ipinunto ni Tugade na may mapagpipilian na rin ang publiko mula sa paggamit ng papel na Official Receipt (OR) bilang pansamantalang driver’s license sa gitna ng kinakapos nang suplay ng plastic cards.
Maliban sa digital na driver’s license, sinabi ng LTO Chief na maaaring magamit ng publiko ang “super app” para sa iba’t-ibang transaksyon sa ahensiya tulad ng license registration at renewal gayundin ang online payments.
Kaugnay naman ng usapin ng seguridad, nabatid mula kay Tugade na ang ginagamit na security features ng pisikal na driver’s license ay kasama na rin sa digital na bersyon nito, maliban pa sa sariling security measures ng “super app.”
Binigyang-diin ni Tugade na ang e-governance partnership sa pagitan ng LTO at DICT ay patunay lamang na seryoso ang ahensiya na itulak ang digitalization sa mga transaksyon at serbisyo nito.
“Simplifying and digitalizing more services will ultimately aid the agency in eradicating corruption,” pagdedeklara ni Tugade.
Nitong Marso ay pormal na pumasok ang LTO at DICT sa isang e-governance partnership na layong magkaroon ng pagtutulungan tungo sa pagpapabuti at pagpapalakas ng digitalization ng mga sistema at proseso sa ahensiya para sa pangkahalatang kahusayan at epektibong serbisyo sa publiko. BENEDICT ABAYGAR, JR.