DIGITAL RISE PROGRAM SAGOT SA HAMON NG PANAHON

Sa dami ng hamong kinakaharap ngayon ng edukasyon sa bansa, naiisip ng Department of Education (DepEd) na digital learning and education technology ang sagot sa lahat ng ito. Sa pamamagitan ng Information and Communications Technology Service (ICTS), masosolusyunan ang maraming problema.

“We have come a long way, and we have learned a lot from the pandemic, but the greatest takeaway from this past year is that we have to be willing, flexible, and embrace technology,” ani Education Secretary Leonor Magtolis Briones.

Ang Digital Rise Program na pinamumunuan ni Undersecretary for Administration Alain Del Pascua ay isang educational framework na tututok sa infrastructure, software, at capacity building ng learners at teachers sa nasabing teknolohiya.

Ayon kay ICTS Director Abram Y.C Abanil, ang Digital Rise Program ay may tatlong major components. Una na dito ang Digital Li­teracy, kung saan kasama ang productivity tools sa K to 12 curriculum tulad ng Word processing, spreadsheets, at presentations para sa Grade 4 hanggang Grade 6.

Magkakaroon ang Grade 7 learners ng basic programming skills subject habang ang Grades 8 to 10 ay magkakaroon ng multimedia concepts na naka-focus sa video editing and graphics design.

Sa huli, vocational skills tulad ng compu­ter servicing, technical drafting, at broadband installation naman ang ia-assign sa Senior High School students.

Sa ikalawang component, layon ng ICT Assisted Teaching na bigyan ang mga guro ng equipment, software content, at skills na magagamit sa pang-araw-araw na pagtuturo sa silid-aralan. Plano rin silang bigyan ng laptops, smart TVs, at lapel speakers para sa bawat guro sa bawat classroom.

Layon din ng ICT Assisted Learning na bigyan ang learners ng programang magbibigay sa kanila ng access at adaptability sa tulong ng DepEd Learning Management System (DLMS) at synchronous blended learning.

Dagdag pa rito, magbibigay rin ang Departmento ng laptops at tablets sa lear­ners at teachers sa pagpapatuloy ng Public Education Network sa pamamagitan ng DepEd Computerization Program.

Nakipagpartner na rin ang Department sa Microsoft at Google upang patuloy na makapagbigay ng software sa mga stakeholders. KAYE NEBRE MARTIN