NOONG mga nakaraang linggo, sunod-sunod ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa merkado.
Bunsod ito ng taas-presyo ng gasolina, diesel at kerosene.
Maging ang pasahe sa barko at airlines ay tumataas din at posibleng magpatuloy pa.
Nitong Martes lang bahagyang nakahinga nang maluwag ang mga motorista at consumers dahil sa price rollback sa mga produktong petrolyo.
Ngunit nakababahala pa rin ito para sa mga kababayan nating kapus-palad, higit ang mga malaking bilang ng pamilya na umaasa lamang sa kakarampot na inuuwi ng mag-anak.
Lalong dumarami ang mga walang makain.
Mukhang matatagalan pa raw bago maramdaman ang kaginhawaan sa buhay.
Sabagay, hindi lang naman ito sa Pilipinas nararanasan kundi maging sa buong mundo.
Ngayong panahon ng pandemya, marami pa ring takot na lumabas ng bahay.
May mga ayaw pa ring magbayad ng bills nang face-to-face sa mga bayad center.
Hirap ding maglakad ng requirements sa gobyerno.
Kaya napapanahon ang isinusulong ni Sen. Christopher “Bong” Go na ma-digitalize ang lahat ng government transactions sa bansa.
Malaki ang papel ng digital technology para sa ginagawang pagsisikap ng gobyerno na makamit nang tuluyan ang pandemic recovery.
Natatandaan ko na noong July 2020 pa inihain ni Go ang panukalang batas na ito.
Gayunman, hindi ito natalakay dahil na rin marahil sa daming bills na nakabimbin sa upper chamber ng Kongreso.
Bunga nito, muling itinulak ni Go ang E-Governance Act ngayong 19th Congress.
Kailangan nga naman ng e-governance para mapaglingkuran ng pamahalaan ang taumbayan kahit nasa loob lamang ito ng kanilang pamamahay o nasa trabaho.
Kung hindi ako nagkakamali, layon ng panukala na magkaroon ng integrated, interconnected, at interoperable information at resource-sharing & communications network sa lahat ng national at local government.
Sinasabing saklaw rin dito ang internal records management information system, information database, at digital portals sa paghahatid ng serbisyo sa mamamayan.
Noong taong 2020 din ay nagsagawa ng survey ang Social Weather Stations (SWS) kung saan lumitaw na 89% ng mga Pilipino ang naniniwala sa papel ng digital technology sa paglikha ng mga negosyo at trabaho.
Well, kahit sa ilang tanggapan ng gobyerno ay mayroon na rin namang digitalization.
Wala nga lang batas na nag-oobliga sa kanila para gumamit nito.
Sa Kamara, mukhang makakalusot na ang bill ngayon dahil suportado raw ito ni Leyte Rep. Martin Romualdez.
Nabatid na sa ilalim ng E-Governance Bill, isinusulong ang paggamit ng internet, intranets, at iba pang emerging technologies upang maitaguyod ang ‘citizen-centric government information and services.’
Ang pinuno ng bawat ahensiya, lokal na pamahalaan o state corporation, ang siyang magpapatupad ng batas o siyang mangunguna sa implementasyon ng digitalization.
Itatalaga rin bilang principal implementer ang Department of Information and Communications Technology (DICT).
Maglalatag naman ng Integrated Government Network na siyang pangunahing pagmumulan ng ng resources, information at data gamit ang digital platforms sa lahat ng ahensya ng gobyerno.
Bukod dito, magkakaroon din ng Philippine Public Service Directory kung saan nakalagay ang mga pangalan at iba pang impormasyon tungkol sa lahat ng government officials.
Bubuo rin ng Service Portal at Citizens’ Concerns Center na siyang tatanggap ng mga reklamo at iba pang hinaing ng publiko, maliban sa isang probisyon na nag-aatas na bigyan ng internet access ang lahat ng mga barangay sa buong bansa para sa lahat ng mga barangay center.
Kung susuriin, napakalaki ng naitutulong ng teknolohiya sa ating lahat na gumagamit nito kaya’t mahalaga ang digitalization.
Sa kabilang banda, sa palagay ko ay dapat ding tingnang mabuti ang seguridad ng mga platform na bubuuin dahil habang umuunlad ang teknolohiya ay hindi rin tumitigil ang mga masasamang elemento sa pag-isip ng paraan upang makasabay sa digitalization at modernisasyon.