RAMDAM na ramdam natin ang negatibong epekto ng pandemya ng COVID-19 sa bansa, partikular sa galaw ng ating kalakalan. Sa mga panahong ito, hindi mapapasubalian na talagang humahagupit ang krisis na ito sa pandaigdigang ekonomiya, hindi lamang dito sa Filioinas. Ang naiba lang, mas masakit sa estadong pinansiyal ng bansa ang mga pangyayaring ito, gayundin sa takbo ng mga negosyo na napakikinabangan ng publiko.
Bukod sa ekonomiya, sugatan din sa giyerang ito ang sistemang pangkalusugan ng bansa na parang isinampal lahat sa atin kung gaano ito kahina.
Sa kasalukuyan, naghihigpit ang mga kinauukulan sa galaw ng mamamayan upang matiyak na mapipigil ang patuloy na pagkalat ng coronavirus. Pero dahil limitado nga ang galaw ng bawat isa, na nagiging dahilan upang maapektuhan ang ating kabuhayan, kailangang mayroon tayong nauukol na paraan upang huwag malubog ang ekonomiya – ang sistemang digital.
Kung napapansin po natin, mano-mano ang ginagawang pagsusuri ng mga awtoridad sa mga quarantine pass. Dahil sa ganitong sistema, naaantala ang mabilis sanang distribusyon ng mga mahahalagang pangangailangan tulad ng gamot, pagkain at iba pang importanteng supplies. Pati ang galaw ng ating frontliners sa checkpoints, napatatagal din dahil sa iba’t ibang usapin tungkol sa passes. Ito ang naresolba ngayon ng RapidPass.ph na nilikha sa bansa para sa mas epektibo at mabilis na galawan sa checkpoints.
Maaari po tayong magparehistro ng ating rapid pass sa naturang website kung saan bibigyan tayo ng Quick Response code o QR code na eksklusibong nakatala sa mga pangalan ng mga magpaparehistro. Hindi ito maaaring ipahiram sa iba o ipagamit sa iba.
Maaaring i-print ang QR code at gamitin na parang ID o kung wala tayong paraan na makapag-print, puwede namang i-save lang ang ating code sa cellphone at iyon ang ipakita sa mga awtoridad sa checkpoint.
Patuloy rin ngayon sa paggalaw ang mga TNVS company tulad ng Grab Philippines upang gawing mas madali para sa atin ang mamili sa grocery stores o sa supermarkets. Dahil ipinagbabawal nga ang pagpunta kung saan-saan at istriktong ipinatutupad ang social distancing, maaari nating kunin ang serbisyo ng mga TNVS companies na ito upang sila ang mamili para sa atin.
Maging ang mga fastfood company tulad ng Jollibee, McDonald’s at iba pa ay kaagapay din natin sa ating mga pangangailangan sa pagkain. Ang sistema nga lamang po, bawal pa rin ang dine-in. Magpapa-deliver lamang po tayo at handa naman silang magsilbi.
At tulad po ng inyong lingkod, dahil nasa kasagsagan nga po tayo ng quarantine, ang ating trabaho ay ginagawa sa ating tahanan. Ganyan po ang ipinatutupad sa halos lahat ng kumpanya sa ngayon. At tulad nga ng nasabi na natin kanina, kung gusto nating makausap ang mga mahal natin sa buhay, mga kaibigan at mga kasamahan sa trabaho na hindi natin sila kailangang puntahan nang personal, nariyan ang Zoom at Webex conferencing platforms. Ang mga iyan ay nagsisilbing online conferencing.
Kung nais naman nating magpasuri sa mga doktor na busy ngayon dahil sa COVID-19, maaari nating magamit ang telehealth services, ang online consultations na maaari nating magamit sa pamamagitan ng ating cellphone o computer. Maaari nila tayong masuri sa pamamagitan nito, at magreseta ng gamot nang di nila tayo personal na nakakausap.
Makikita natin na epektibo ang digital system para matiyak na sa kabila ng lahat ng ito ay kaya pa rin nating bumalanse. Kaya marahil, ang gawing digital din ang takbo ng ekonomiya ang gawing prayoridad ng pamahalaan sa sandaling matapos na ang umiiral na lockdown.
***
BALIK-sesyon ang Senado sa Mayo 4. Ang tanong ng marami, paano isasakatuparan ang sesyon gayong may social distancing tayong ipinatutupad?
Isang resolusyon ang isinulong ng 15 senador na naglalayong manatili muna sa online session ang senado, tulad ng Zoom video conferencing. Maaari ring magdeklara ang senate president na i-postpone ang actual session lalo’t posibleng hindi makadadalo ng pisikal na pulong ang karamihan. Ayon kasi sa batas ng senado, at least 12 senators ang dapat nasa sesyon para magkaroon ng quorum. Pero dahil sa sitwasyon natin ngayon, maaari namang ipagpaliban ang actual meeting at manatili muna sa online conferencing or online session. Yan ang nilalaman ng Senate Resolution 372 kung saan isa tayo sa mga nagsulong.
Comments are closed.