ANG Bureau of Internal Revenue (BIR) ay may kabuuang 49 projects sa 1st phase ng 10-year Digital Transformation (DX) Road Map at 14 dito ay nailunsad na at kasalukuyang ipinatutupad simula pa noong last quarter ng 2021.
Gayunman, hindi pa ito lubos na epektibo tulad ng tax transformation sa bansang Singapore na siyang dahilan ng pagtaas ng kanilang taunang digitalized tax collection.
Bago bumaba sa puwesto si dating BIR Commissioner Caesar ‘Billy’ Dulay, sinuspinde niya effective May 20, 2022 ang lahat ng pending Letters of Authorities (LOA), tax-mapping at iba pang tax investigations dahilan upang maapektuhan ang koleksiyon ng buwis.
Saklaw ng utos ni Commissioner Dulay ang suspensiyon sa audit, field operations, investigation, mission order, tax-mapping at iba pa. Hindi umano ito nagustuhan ni Finance Secretary Benjamin Diokno sa pangamba na babagsak ang tax collections at mabigo ang Rentas na makuha ang tax collection goal hanggang Disyembre ng taong ito.
Hindi pa napagpapasiyahan ni Revenue Commissioner Lilia Guillermo kung ang suspensiyon ni Dulay ay babawiin niya para muling makapag-imbestiga ang mga tax expert sa harap ng mabilis na pagbagsak ng tax collections.
Ang nasabing kautusan ni Commissioner Dulay ay nilalaman ng Revenue Memorandum Circular No. 77-2022.
Ayon sa source, kada buwan ay mahigit sa P30 bilyon ang nawawala sa kaban ng Kawanihan dahil sa suspension. Sa dalawang buwang pag-iral ng suspension mula Mayo hanggang nitong Hulyo ay bumagsak na nang husto ang tax collections sa regional office at revenue district office – hindi lamang sa Metro Manila, kundi sa iba pang mga probinsya.
Lumiit din ang koleksiyon ng Revenue Large Taxpayers Service dahil sa suspension ng tax investigation na umano’y tinataya sa P50 bilyon sa loob lamang ng maikling panahon. Ang suspensiyon ng tax investigation ay naglalayong bigyang prioridad ng BIR management ang digitalized DX Project para ma-elevate, ma-innovate ang service process, sa halip na face-to-face investigations ay gawin ito by computerize o ‘no contact policy investigations’ na maigting namang tinututulan ng mga opisyal at empleyado dahil bultu-bulto o kahon-kahong dokumento ang kailangan ng BIR sa mga taxpayers upang patunayan na nagbayad ito ng tamang buwis at hindi nandaraya.
Ang DX Program ng BIR ay halos hango sa tax-pattern ng bansang Singapore. Ang makabagong tax system ng Singapore ay inabot ng 10 hanggang 15 taon bago ito naging matagumpay.
Habang suspendido ang tax investigations, nagpipiyesta naman ang mga taxpayer dahil nakaligtas sila sa imbestigasyon ng Rentas. Resulta: bumaba ang tax collections.
Ang orihinal na tax collection goal ng BIR ngayong fiscal year ay umaabot sa P3.12 trilyon, mas mataas ng 12.4% kumpara sa nakaraang goal na P2.942 trilyon o 12.42% ang taas kumpara sa nagdaang taon.
Inaasahang dedesisyunan ni Commissioner Guillermo ang pagbawi sa pagsuspinde ni former BIR Chief Dulay sa tax investigation upang muling tumaas ang koleksiyon sa buwis.
Kabilang sa digitalization initiatives ng BIR, ayon sa kagustuhan ng International Monetary Fund-World Bank (IMF-WB) ay gaya ng mga sumusunod: Internal Revenue Intedgrated System o kasangkapan at repository sa proseso ng impormasyon sa buwis, Enhance Internal Revenue Stamps Integrated System o aplikasyon sa pamamahala ng produksiyon, mapamahagi, paglalagay at pagsubaybay sa wastong pagbabayad ng buwis sa excise tax at mga produktong tabako, Taxpayer Indentification Number o mobile chat application sa verification ng TIN.
Gayundin ang Revie o chatbot sa website para mapadali ang pagbabayad ng buwis sa pamamagitan ng email, Electronic Filing and Payment System at Electronic Fund Transfer Instruction System o pagbabayad ng buwis on-line, Electronic One-Time Transaction System o On-Line ONET payment, NewsBizReg Portal o pagbabayad ng buwis sa pamamagitan ng email at iba pang electronic digitalize para matuto ang taxpayers na gumamit ng computer sa anumang taransaksiyon sa BIR.