DIGITIZATION SA GOV’T SERVICES ISINUSULONG SA SENADO

Full Digital Transformation Act

NAIS ni Senador Win Gatchalian na mapabilis ang mga serbisyo ng gob­yerno sa pamamagitan ng E-Government (eGov).

Sa kanyang Senate Bill No. 1793 o ang ‘Full Digital Transformation Act of 2020’, sinabi ni Gatchalian na lahat ng mga ahensiya ng gobyerno, government-owned and controlled corporations (GOCCs), local government units (LGUs), at iba pang mga tanggapan ng pamahalaan ay dapat magkaroon ng istratehiya upang gawing ‘digitized’ ang lahat ng mga serbisyo nito pagsapit  ng katapusan ng taong 2022.

Isinusulong ng naturang panukala ang automation at zero-contact policy upang mapabilis at gawing ligtas ang pagbibigay ng mga serbisyo. Ito ay sang-ayon sa Republic Act No. 11032 o ang Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018, Republic Act No. 11234 o ang Energy Virtual One-Stop Shop Act (EVOSS), at iba pang mga kaugnay na batas.

Layon din ng isinusulong na panukala ang mabilis at ligtas na pagbabahagi ng datos na may kinalaman sa mga tao, transportasyon, negosyo, mga lupain, at iba pang impormasyon. Mandato rin ng panukala na iangat ang kakayahan ng mga kawani ng gobyerno sa pagpapatupad ng digital transformation.

Isinusulong din sa naturang panukala ang pagkakaroon ng Digital Transformation Department (DTD) sa bawat ahensiya o tanggapan ng pamahalaan. Magiging tungkulin ng kagawaran na pangunahan ang pagsasanay ng mga kawani sa isang tanggapan o ahensiya para sa isang digital system.

Sa pamamagitan  nito, mapabibilis  din ang sistema ng komunikasyon, pagbibigay ng mga puna o feedback, ugnayan sa pagitan ng iba’t ibang departamento at pag-monitor sa mga hiling ng mga mamamayan.

Bagaman inilunsad na ng Information and Communications Technology Office ng Department of Science and Technology (DOST) ang Integrated Government Philippines (iGovPhil) at iba pang programa sa eGov noong 2012, sinabi ni Gatchalian na naging mabagal ang modernisasyon at paggamit ng digital technology sa pamahalaan.

Dagdag ng senador, ipinakita ng pandemya ng COVID-19 na kailangan nang pabilisin ang modernisasyon at digitization sa pamahalaan. Ginawang halimbawa ng senador ang mga gawaing tulad ng pagpapamahagi ng ayuda at contact tracing na napadali sana kung may maayos na datos at malawakang paggamit ng teknolohiya sa pamahalaan.

“Hindi na natin dapat patagalin pa ang modernisasyon sa ating gobyerno upang maging mas mabisa at ligtas ang pagbibigay ng serbisyo sa publiko. Bahagi ng ating pagbangon mula sa pinsalang dulot ng COVID-19 ang isang modernong sistemang agarang tutugon sa mga pangangailangan ng ating mga kababayan,” dagdag ni Gatchalian.  VICKY CERVALES

Comments are closed.