LALONG pinalakas ng National Research Council of the Philippines (NRCP) ng Department of Science and Technology (DOST) ang kampanya kontra sa mapamuksang sakit na HIV/AIDS sa bansa.
Ito ay sa pamamagitan ng isang “digitized” arts na ginawa ng NRCP para palaganapin ang kampanya sa banta dulot ng pinangangambahang sakit na HIV/AIDS na patuloy lumalawak.
Ginawa ni Dr. Brian Saludes Bantugan ang naturang hakbang upang magkaroon ng kaliwanagan ang publiko partikular ang mga kabataan sa epektong maidudulot ng HIV/AIDS para makaiwas dito.
Sa pamamagitan ng kanyang ginawang illustration, film, infographic at photography ay mas madaling maunawaan ng mamamayan ang nais nilang mensaheng iparating laban sa sakit.
Lumabas sa pag- aaral ng NRCP na noong 2008, isa kada araw ang napapaulat na nagkakaroon ng HIV/AIDS, subalit pagdating ng 2015 ay lumobo na ito sa 22 kaso kada araw ang naitatala.
Napag-alamang may 27,138 ang napaulat na nagkaroon ng HIV cases habang 1,281 naman ang reported na namatay dulot ng naturang sakit.
Nabatid na nasa 11,029 ang kasalukuyang sumasailalim sa anti-retroviral theraphy kung kaya’t lubhang naaalarma na ang ahensiya.
Kamakailan lamang ay iprinisinta ni DOST Secretary Fortunato dela Peña ang ginawang pag- aaral ng NRCP upang magkaroon ng awareness para labanan ang patuloy na kumakalat na sakit sa bansa.
Samantala, lumabas din sa presentasyon ng DOST chief na batay sa pag-aaral ng ahensiya, marami rin sa mga kababaihan ang nakararanas ng pang-aabuso matapos maganap ang isang trahedya o delubyo sa isang lugar.
Lumalabas na nakararanas ng pangmomolestiya ang mga teenager na babae na nauuwi sa pagkabuntis na karaniwang nangyayari sa mga disaster-prone areas.
Ilan sa mga kadahilanan ay ang matagal at kawalan ng maayos na matutuluyan kung saan nawawalan ng privacy ang mga teenage girls gayundin ang palipat-lipat nila ng tirahan pagkatapos ng trahedya o unos.
Karamihan sa mga apektadong kababaihan ay mga nasa edad 10 hanggang 19 na mahihirap sa isang lugar na dinaanan ng trahedya katulad na lamang ng naganap noong mga bagyong Yolanda at Ruby. BENEDICT ABAYGAR, JR.
Comments are closed.