DIGONG IBE-VETO ANG KUWESTIYONABLENG PROBISYON SA BUDGET

duterte

HINDI nababago ang paninindigan ni Pangulong Rodrigo Duterte na kanyang ibe-veto ang anumang probis­yon sa panukalang 4.1 trilyong pisong 2020 national budget.

Ito ang pahayag ni Presidential Spokesman Salvador Panelo makaraang ratipikahan ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang panukalang pambansang pondo.

“Gaya ng sinasabi natin, mula’t sapul kapag mayroong isang batas o panukala na nasa kanyang lamesa, ito ay sasang-ayunan at pipirmahan niya kung ito’y naayon sa Saligang Batas at ano mang probisyon na labag dito ay kanyang ibe-veto. ‘Yun ang palagi niyang sinasabi,” giit ni Panelo.

Una rito ay ibinulgar ni Senador Panfilo Lacson na mayroong 83 bil­yong pisong pondo ang inilaan sa mga kuwestiyonableng proyekto.

Ayon kay Panelo, makatitiyak ang publiko na  aaprubahan ng Pangulong Duterte ang mga naaayon sa batas at tatanggalin ang labag sa batas.

Matatandaang vineto  ni Pangulong Duterte ang 95 bilyong pisong pondo dahil sa kuwestiyonableng proyekto na nakapaloob sa 2019 national budget.

Hindi naman matukoy ni Panelo kung kailan lalagdaan ni Pangulong Duterte ang 2020 national budget. EVELYN QUIROZ

Comments are closed.