DIGONG, PURING-PURI ANG SEAG OPENING, NAPASAYAW PA

MASAlamin

AKALAIN mo nga naman, dalawang oras lang ng Southeast Asian Games opening show ang kinailangan upang supalpalin ang mga nambabatikos at pumupuna sa pagho-host ng Filipinas sa naturang palaro.

Aba’y natulala at nalaglag ang panga ng sambayanang Filipino sa idinaos na opening show  ng SEAG na dinaluhan ng libo-libong tao. Maging si Pangulong Duterte ay tuwang-tuwa sa kanyang nasaksihan. Kitang-kitang pumapalakpak si Digong sa pagrampa ng koponan ng Filipinas sa entablado. Napaindak pa ito sa musika na ‘Manila’. Sabi nga ng maraming Pinoy, nagtala ng Duterte move si Digong sa pag-indak nito sa opening night.

Kaya naman pu­ring-puri ni Digong ang organizers, performers at volunteers na nasa likod ng naturang pagtatanghal. Isang gabi ng pagpapakita ng kulturang Pinoy at pagkakaisa ng lahing Filipino ang nangyari sa opening night. Lahat ay tumayo at nagbigay pugay sa mga atletang Pinoy. Hindi magkamayaw ang sigawan at hiyawan ng nasa loob ng Philippine Arena bilang pagsuporta sa mga manlalaro ng SEA Games.

Ayon nga kay Presidential spokesperson Salvador Panelo, isang palabas ng pagkakaisa ng mga Filipino ang opening night dahil du­magsa ang mga mano­nood nito mula sa iba’t ibang estado ng buhay at iba’t ibang grupong politikal upang suportahan ang mga atletang Pinoy.

Kaya naman tumahimik at nabutata ang mga nagpalipad ng puna at batikos sa SEA Games. Baka maging sila ay na­tulala at napahanga kung paano ginanap ang SEA Games opening.

Sino ba naman ang hindi mamamangha at hindi lalambot ang puso sa pagrampa sa entablado ng walong sports le­gends na sina Bong Coo, Alvin Patrimonio, Lydia de Vega, Eric Buhain, Akiko Thompson, Paeng Nepomuceno, Onyok Velasco at Efren ‘Bata’ Reyes.

Nakakapanindig balahibo nang isa-isa na silang ipakilala habang hawak nila ang bandila ng SEA Games.

Kaya maging ang sikat na The Strait Times ng Singapore ay hindi pinalampas ang naturang okasyon at inilathala sa kanilang pahayagan na dalawang oras lang ang katapat upang mabura ang mga negatibo at mapanirang balita na ibinato sa 30th SEA Games sa nagdaang ilang araw.

Kaugnay nito, umaasa ang Palasyo na magsisilbing inspiras­yon at tutularan ng ibang bansang nakatakdang mag-host ng SEA Games sa susunod na mga taon ang hosting ng Filipinas sa naturang palaro.

Kaya sana ay itigil na ng mga kritiko ang mga pamumuna sa SEA Games bagkus ay suportahan ang ating mga manlalaro na ganadong-ganado ngayon sa kani-kanilang events. Sa unang araw pa lang ng kompetisyon ay  nakapagtala na ng 23 gintong medalya.

Kaya naman, inaasahan ng mga organizer at sports officials ng Fi­lipinas na makokopo ng ating bansa ang over all championship sa 30th SEA Games.

Comments are closed.