Kalaboso nakaumang kina Ayala at Pangilinan sa isyu ng tubig
(Special Report ni Ed Cordevilla)
NAKAAMBANG sampahan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ng kasong economic plunder ang Maynilad Water Services, Inc. at Manila Water Company, Inc. dahil umano sa mapagsamantalang kontrata na pinasok nito sa gobyerno para sa water distribution.
Sinabi ng Pangulo na handa siyang bumagsak para makipaglaban at makamtan ang hustisya para sa taumbayan ukol sa hindi makatarungang kontrata ng Manila Water na pagmamay-ari ng mga Ayala at ng Maynilad na pagmamay-ari naman ni Manny V. Pangilinan, na hinihinalang proxy ng Salim Group ng Indonesia.
Ayon sa Pangulo, dispalinghado ang kontrata sa kalugihan ng mamamayan kung saan nakasaad dito na hindi maaaring makialam ang gobyerno sa pagtataas o pagbababa ng presyo ng tubig. Sa katunayan, nagbayad na ang pamahalaan ng P3 bilyon sa Manila Water dahil sa pagkatalo sa isinampang reklamo ng nasabing kompanya laban sa pamahalaan sa arbitration na nakabase sa Singapore.
Ang kontrobersiyal na kontrata ay unang pinirmahan noong taong 1997 at ni-renew noong 2009 at magtatapos sa 2037. Ang Manila Water ang nakakopo ng eastern zone ng Metro Manila kasama na ang lalawigan ng Rizal at ang Maynilad naman ang nakakuha ng western zone.
“Ang masakit diyan, we cannot interfere, kasi they will sue us and these two will be awarded billions kasi ang isinaad nila sa kontrata ay arbitration,” pahayag ng Pangulo.
Anang Pangulo, mistulang moro-moro lamang ang arbitration at wala talagang panalo ang gobyerno sa kasong inilalatag dito.
MATAPOS ANG P3-B, P7-B NAMAN
Sa ngayon ay sinisingil na naman ng may P7 bilyon ang gobyerno sa pagkatalo nito sa Singapore arbitration sa kasong isinampa ng Manila Water. Idiniin naman ni Duterte na hindi siya magbabayad at nagpatutsada na ang arbitration na naka-indicate sa kontrata ay gawa-gawa upang maprotektahan ang interes ng mga mayayamang katulad ng mga Ayala at nina Pangilinan at Salim.
Ayon kay Duterte, ang lahat ng mayayaman sa Southeast Asia ay nagsama-sama na mala-mafia at ang arbitration umano ay isa sa mga paraan upang maprotektahan ang kani-kanilang interes.
“Ang arbitration sa Singapore, miyembro rin sila niyan. It is an interlocking ng mga mayayaman, although not as individuals but corporations, sa Southeast Asia, mayayaman ng Malaysia, Indonesia at Filipinas nag-form sila ng parang korporasyon, itong korporasyon kasali riyan sina Pangilinan, Salim Group, natalo na tayo riyan because we interfered kaya nagbayad na tayo ng P3 bilyon,” pahayag niya.
Nakasaad umano sa kontrata na anumang interference ng pamahalaan na magreresulta sa kalugihan o hindi nagustuhan ng dalawang water concessionaires ay maaaring ikaso laban sa pamahalaan.
Ayon pa kay Duterte, nakasaad din sa kontrata na wala talagang lugi ang dalawang kompanya dahil idinidikta sa kontrata na guaranteed ang profit nila at anumang kalugihan ay babayaran ng gobyerno sa kanila na, aniya, ay umaabot ng bilyong piso.
“Assured income, they (Manila Water at Maynilad) lose, we pay,” wika ng Pangulo.
Wala rin aniyang kapangyarihan ang gobyerno sa pagtataas o pagbaba ng paniningil ng dalawang water concessionaires sa mga consumer.
“They control the rates, it is not with us,” pahayag ng Presidente.
TAX NG MAYNILAD, MANILA WATER PASAN NI JUAN
Bukod pa sa guaranteed income ng dalawang concessionaires, ang corporate income tax ng Manila Water at Maynilad ay ipinapasa rin umano ng mga ito ang pagbabayad sa mga consumer.
”It is a great relief to listen to PRRD express his utmost disdain for the oligarchs who have been stealing from the public in the hundreds of billions through the operations of water concessionaires. In conspiracy with corrupt senators, congressmen, Cabinet officials and heads of concerned agencies, these oligarchs have taken over all public utilities, protected by onerous provisions in agreements which passes all expenses and losses to the consumers. Worse of all, these agreements inhibit Government to exercise its mandate to protect the interest of the burdened public,” pahayag ng grupong Katipunan ng Demokratikong Pilipino (KDP) na isang consumer group sa isang public statement.
“Natutuwa kami sa nais ni Pangulong Duterte na ma-review ang contract ng pamahalaan sa mga water concessionaire. Sa tingin naming, ang pinakatamang gawin ay hindi lamang i-review kundi ibasura ang kontrata. Mali ang direksiyon ng pamahalaan na privatization, mahalaga ang konsepto ng public-private partnership para matuto ang gobyerno kung paano magpatakbo. Hindi talaga tama na ang tubig ay ipaubaya sa negosyante. Negosyo ang habol ng negosyante hindi serbisyo. Masyadong mahal ang singil, walang transparency sa pagpapatakbo, isa sa mga pangunahing isyu sa privatization sa serbisyo ng tubig,” pahayag naman ng consumer group na Water for People Network (WPN).
“The President needs the people from all political colors to be united at this historical moment in helping him help the country to achieve justice as these moneyed elites can destroy the country if a leader gets on their way and they do not get what they want. To preserve their selfish interests, they can do so much with their billions of pesos which they stole from our own pockets to bungle government operations and the lives of ordinary Filipinos, bearing in mind the likes of Sonny Trillanes just waiting for the right funder and the right timing to execute their thing,” sabi naman ng grupong Filipino League of Advocates for Good Governance (FLAGG).
Higit isang dekada na rin umanong nagbabayad ang bawat kabahayan sa dalawang water concessionaires para sa water treatment ngunit duda ang Pangulo na isinasagawa nga ito dahil nananatiling mabaho at nagdudulot ng mga sakit ang tubig na nagmumula sa mga gripo.
DIGMAAN LABAN SA OLIGARKIYA
Ibinunyag ni Duterte na nabuking niya na gawa-gawa lamang ang diumano’y water shortage na inanunsiyo ng dalawang water concessionaires ngayong taong ito, bukod pa nga sa sablay na serbisyo at napagsasamantalahan ng daan-daang bilyong piso ang taumbayan at pamahalaan.
“I’ll bring out something na gusto kong matapos talaga, at kung ako ang matatapos because of their money, okay lang. Pero tandaan ninyong mga Filipino, at least ipinaglaban ko ang tao,” pahayag ni Duterte.
“Ang plunder, Mr. Ayala, no bail ‘yan, gusto ko makakita ng bilyonaryo na makulong,” pahayag pa ng Pangulo. “I know you, nilaro ninyo ang mga Filipino sa pera. I will pursue this if this is the only thing I can achieve in my administration, ito na lang, birahin ko talaga ‘yan ng economic plunder. Tatapusin ko talaga ‘yan.”
“I could establish a prima facie case, I can execute an affidavit then file na. Then I’ll file plunder.”
“That to me is economic sabotage,” pagdidiin ng Pangulo.
“Ganito ‘yan, maraming tubig, ang problema ibinigay natin sa mga torpeng hindi nga mga FIlipino halos o Filipino ‘yan walang kaluluwa, ‘yang Manila Water pati Maynilad, kay Pangilinan pati kay Ayala. Matagal na ito kaso walang pumipiyak kasi nga takot sa pera nina Ayala at ni Pangilinan. But, when I saw the contract . . . they are screwing us by the billions,” pahayag ni Pangulo.
“Sila ang distributor, atin ang tubig, but in the contract itself the water which is a natural resource of any country is categorized not as a natural resource but being treated as a commodity!” aniya pa.
“Water is part of the national patrimony, but in the contract, our country surrendered to Manila Water and Maynilad everything including sovereignty, we have bargained it away.
“Itong Maynilad at Manila Water distributor sila, pero atin itong tubig as part of the patrimony of the nation, ngayon they entered into a contract, kagagawan ito ng mga lawyer, kaya ibinuko ko itong si Frank (Drilon),” dagdag pa ng Pangulo.
Ayon sa Pangulo, tinakot siya ni Drilon sa plano niyang pag-review sa kontrata dahil maaari umanong mauwi sa pagbabayad ng pamahalaan ng bilyon-bilyong piso sa dalawang water concessionaires.
“Sen. (Franklin Drilon), are you one of those who crafted the contract? I’m asking you, hindi kita tinatakot, pero kapag ako bumagsak dadalhin talaga kita. I am ready to be destroyed, but I will also destroy because you are destroying my country,” pagdidiin ng Pangulo.
Sa ilang ulat, sinabi naman ni Sen. Drilon na hindi na siya miyembro ng ACCRA Law Office noong panahong idina-draft ang kontrata para sa dalawang concessionaires.
“This will be a bloody war, habulin ko talaga kayo,” deklarasyon ni Duterte.
“’There is a time for everything,’ the Bible says,” pahayag ng Pangulo. “There is a time for enjoying what you have, stolen money, to wallow in filth, in riches, but there is also a time for reckoning to explain to the people how it came about.”
“The lawyers they knew that while they’re crafting the contract that all the provisions of the contract at that time until now, they knew that it is in violation of law, in violation of our sovereignty . . . they knew that all of it was contravention of the anti-graft law, over a period of many years, it’s plunder,” sabi pa ng Pangulo.
“Yayariin ko talaga sila,” bulalas pa niya.
“Gusto ko lang malaman ng mga FIlipino na may dumaan na isang presidente who really loves his country,” pagwawakas ng Pangulo.
Comments are closed.