QUEZON CITY – IKINAGALAK ng mga tauhan at opisyal ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang pag-angat ni dating Tagapagsalita at DILG Assistant Secretary Jonathan E. Malaya na ngayon ay isa nang undersecretary ng Kagawaran.
Ipinahayag ni DILG Secretary Eduardo M. Año na ang pagkakatalaga kay Malaya bilang Undersecretary ay hindi nakagugulat sa ipinamalas niyang walang pag-aalinlangan at buong siglang pamumuno na siyang kailangan ng Kagawaran. “Bilang isa sa mga pinakabatang lider ng DILG, ang kanyang sigla, kakayahan, at bukod tanging karera sa paglilingkod sa pamahalaan ay sapat na upang siya ay italagang Undersecretary. Inaasahan namin ang mas malalaking ambag mula sa kanya,” aniya.
Natanggap ni Malaya ang opisyal niyang pagkakatalaga bilang Undersecretary mula kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte noong Pebrero 27, 2019.
Ayon sa DILG Chief, malaki rin ang naging ambag ni Malaya sa adhikain ng administrasyon tungo sa paglipat sa Pederalismong anyo ng pamaha-laan na “patunay na isa siya sa mga kampeon ng Pederalismo na tanging pag-unlad lamang ng Filipinas ang hangad.”
Tinukoy din ni Año ang mahusay at may awtoridad na pagtupad ni Malaya sa kanyang tungkulin bilang Tagapagsalita ng DILG.
Nagsimula siya sa paglilingkod sa pamahalaan bilang Supervising Legislative Staff Officer sa House of Representatives noong 1998. Dinala siya nito sa Supreme Court bilang Judicial Staff Head, sa Philippine Senate bilang Director II, at sa Pasay City Government bilang Public Information Of-ficer. Siya ay itinalagang DILG Assistant Secretary noong Oktubre 2017.
Tumanggap din siya ng Presidential Citation mula kay dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo noong 2010 bunga ng kanyang dedikasyon at katangi-tanging pagganap sa larangan ng edukasyon. Nag-akda siya ng limang libro, isa rito, ang Stewards of Nation, ay pangwalo sa PowerBooks bestseller list. PAULA ANTOLIN
Comments are closed.