BULACAN – HINDI pa natatapos ang usapin sa reporma sa konstitusyon dahil isinusulong ng Department of the Interior and Local Government sa pamamagitan ng Inter-Agency Task Force on Federalism (IATF) ng Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa mga Bulakenyo ang pag-amyenda sa konsti-tusyon.
Sa dalawang araw na (CoRe) Constitutional Reform Provincial Roadshow mula Nobyembre 18-19, 2019 na ginanap sa The Pavilion, Hiyas ng Bulacan Convention Center sa lungsod na ito, sinabi ni DILG-Bulacan Provincial Director Darwin David na upang magtagumpay ang kampanya tungo sa reporma sa kontitusyon, kailangan ang suporta ng lahat.
Dagdag pa niya, tampok sa gawain ang pagpapalaganap ng impormasyon para sa pag-amyenda sa 1987 Konstitusyon na magbibigay ng solusyon sa talamak na problema sa kuropsiyon, politikal na dinastiya, ‘trapo’, kawalan ng trabaho, hindi pantay na kita sa mga rehiyon, at marami pang iba.
Iprinisinta rin nina Dir. David at Konsehal ng Lungsod ng Malolos Atty. Carlo Niño Bautista ang apat na CoRe Pillars na binubuo ng ‘Pagyamanin ang Probinsiya, Paluwagin ang Metro Manila’ kung saan kabilang sa pagbabago ang pag-constitutionalize ng Mandanas Ruling, rebisyon ng kriterya sa pa-ghahati ng IRA at pagtatag ng Regional Development Authority; ‘Gobyerno Para sa Tao, Hindi Para sa Trapo’ kung saan ang mga partidong politikal ay magiging demokratikong institusyon, kampanya para sa ‘finance transparency’, ‘anti-turncoatism’ at ‘anti-political dynasty’; ‘Bukas na Ekonomiya nang Lahat ay May Pag-asa’, na kinabibilangan ng pagtanggal sa explicit foreign equity limitations; at ‘Bagong Konstitusyon para sa Bagong Henerasyon’ na nagbibigay-diin para sa pangangailangan ng rebisyon sa konstitusyon.
Pumirma rin ang ilan sa mga dumalo sa pledge of commitment upang ipakita ang kanilang suporta sa inisyatiba ng Center for Federalism and Constitutional Reform.
Samantala, kasalukuyang tinatalakay pa ang produkto ng IATF at inaasahang ilalabas sa 2020. MARIVIC RAGUDOS
Comments are closed.