(DILG binalaan ng mga senador) ‘NO VAX, NO 4PS SUBSIDY’ ILLEGAL

LALABAG sa batas ang Department of the Interior and Local Government (DILG) kapag itinuloy nito ang planong huwag ibigay ang subsidiya ng mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program or 4Ps na ayaw magpabakuna laban sa COVID-19, ayon sa mga senador.

Sinabi ni Senate Minority Leader Franklin Drilon, na kabilang sa mga may akda ng Republic Act No. 11310 na nag-institutionalize sa 4Ps, na ang pagbabakuna ay hindi bahagi ng mga kondisyon na dapat sundin ng mahigit sa 4 million na benepisyaryo bago tanggapin ang ayuda.

Ayon naman kay Senadora Risa Hontiveros, ang mga kondisyon sa ilalim ng batas sa 4Ps ay ‘fixed’ at hindi maaaring baguhin ng anumang ahensiya ng pamahalaan.

“It only shows that the DILG is detached from reality and unaware of the real plight of the poor,” sabi ni Drilon sa isang statement.

Ipinaliwanag pa ng mga mambabatas na hindi pa matatag ang supply ng bakuna sa mga probinsya kaya mahirap ang magpabakuna.

Anila, kailangan ding kumilos ang mga ahensiya ng pamahalaan upang matugunan ang vaccine hesitancy tulad ng pagpapalakas sa information campaign.

“Nung simula ay wala pa sa 40% ng mga taga-Metro Manila ang gustong magpabakuna. Ngayon ay lampas 80% na ang nagpabakuna. Basta maayos ang paliwanag at may tiwala sa magpapaliwanag, magpapabakuna naman ang mga Pilipino,” ani Hontiveros.

Nauna nang ipinahiwatig ng DILG ang posibilidad ng pagpapatupad ng mandatory vaccination makaraang malaman mula sa local executives sa bansa na marami sa mga benepisyaryo ng 4Ps ang hindi pa bakunado laban sa COVID-19.