DILG CHIEF BALIK-TRABAHO NA

BALIK-trabaho na si Interior and Local Government Secretary Eduardo Año simula ngayong araw matapos gumaling mula sa ikatlong pagkakataon na nagpositibo sa COVID-19.

“Ok naman ako. January 17 cleared na ako,” pahayag ni Año.

Unang inanunsiyo ni Año na sa ikatlong pagkakataon ay nagpositibo siyang muli sa virus nitong Enero 11.

Sa pagkakataong ito, aniya ay wala naman siyang naramdamang anumang sintomas ng sakit kaya’t kahit na nasa isolation ay tuloy pa rin siya sa pagtatrabaho.

“Thankfully, I remain asymptomatic as of now. I will continue to work while isolating. I encourage everyone to get vaccinated and booster-ed as soon as possible, and to continue following health protocols,” dagdag pa ng DILG chief.

Magugunitang si Año ang kauna-unahang gabinete ng Pangulong Rodrigo Duterte na nagpositibo sa COVID-19 noong Marso 31, 2020 at gumaling noong Abril 8, 2020.

Noong Agosto 16, 2020 ay kinailangan siyang isugod sa pagamutan matapos na muling magpositibo sa COVID-19 sa ikalawang pagkakataon.

Nakarekober ang DILG chief ngunit nitong Enero 11 ay kinailangang magbakasyon ni Año ng ilang buwan bilang bahagi ng kanyang post-Covid health recovery plan. EVELYN GARCIA