MUKHANG napuno na si Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Eduardo Año sa pagiging sagabal ni Department of Health Sec. Francisco Duque para sa isang makatotohanang mass testing na kailangang-kailangan ng bansa.
Alam naman na kasi ng lahat ang ginagawang panghaharang ni Sec. Duque sa rapid testing na isang teknolohiyang aprubado ng buong mundo para sa pagtukoy sa mga taong positibo sa COVID-19.
Ang rapid testing ay ginamit sa South Korea sa pag-test ng higit sa 10,000 kada araw sa kanilang inilunsad na drive-through COVID-19 testing sites. Maging ang Estados Unidos ay gumaya na rin at nag-set-up naman ng mga walk-through COVID-19 test sites gamit ang mga rapid test kits sa mga supermarket parking lot.
Bukod sa South Korea at Estados Unidos, ang rapid testing ay ginagamit din ng Tsina, United Kingdom, Australia, Taiwan, Singapore, Japan at marami pang ibang mga bansa para sa kani-kanilang mass testing.
Bagama’t gold standard kasi ang PCR method ay may kabagalan ang resulta rito sa Filipinas na umaabot ng isa hanggang dalawang linggo bago makuha ang resulta. Isang dahilan ay lima lamang ang laboratoryong nagpo-proseso sa mga specimen.
Dineklara ni Sec. Año na may nakalaan nang budget ang mga local government unit para sa pagbili sa mga rapid test kit at PCR kit na kanila nang ipinalabas sa pamamagitan ng isang joint memorandum circular sa pagitan ng DILG at Department of Budget and Management kaya hindi umano dapat matakot ang mga LGU na gamitin ang mga ito para ipambili ng mga COVID-19 kit na kailangan sa mass testing.
Sinabi rin ng DILG na ang mga LGU ay nasa ilalim ng DILG at hindi ng DOH kaya hindi dapat matakot na sundin ang joint memorandum circular ng DILG at DBM.
Pahiya si Duque kay Sec. Año na mukhang nagsawa na sa mga kadramahan ng kalihim ng DOH na sadyang nagpapatagal sa pag-conduct ng mass testing at nang matukoy na ang mga positibo at mga komunidad na mga kontaminado upang sa halip na wholesale lockdown ay masipat naman ang pagkakaroon na ng selective lockdown pagkatapos sana ng isinagawang extension para naman makausad na ang ekonomiya at may gumalaw para sa produksyon na lubhang kinakailangan ng kabuuang populasyon.
Hindi kasi lingid kay Sec. Año na ang mistulang kakupadan ng DOH sa hindi malamang kadahilanan ay bilyon-bilyong piso ang nalalagas sa pambansang pananalapi at ekonomiya bukod pa sa mga taong na-mamatay kasama na ang mga frontliner.
Comments are closed.