(DILG may mga kondisyon) PAGBEBENTA NG PROCESSED MEAT PRODUCTS PAPAYAGAN

PROCESSED MEAT

MATAPOS  ang pagpapatupad ng hakbang upang mapigilan ang pagkalat ng African Swine Fever (ASF), inutusan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga pamahalaang lokal na huwag payagan ang pagbabawal  sa kalakalan at ko­mersiyo sa buong bansa at payagan naman ang pamamahagi at pagbebenta ng processed meat products na may kasamang baboy sa  lahat ng lalawigan sa ilalim ng ilang kondisyon.

“Habang ang pamahalaan ay tumutugon sa mabisa at agresibong paraan upang matugunan ang ASF outbreak, hinihikayat namin ang lahat ng pamahalaang lokal na alisin ang pagbabawal sa mga processed meat product na may baboy kung ang mga ito ay nakasusunod  sa kondisyon ng Department of Agriculture,” ani DILG Secretary Eduardo M. Año.

Sa pamamagitan ng Memorandum Circular sa mga punong-lalawigan, punong-lungsod at bayan, at punong barangay, sinabi ni Año na kailangang maging mahigpit ang mga pamahalaang lokal sa pagsunod sa mga pamantayan sa paglilipat, pamamahagi, at pagbebenta ng mga processed meat product sa bansa upang maprotektahan ang mga mamimili kasama na rin ang mga stakeholder sa industriya ng pagbababoy mula sa anumang hadlang sa maayos na pagdaloy ng kalakan at komersiyo sa bansa.

Sa nasabi ring Memo Circular, binanggit na sa mga processed meat products na walang baboy bilang hilaw na sangkap tulad ng corned beef, beef hotdogs, chicken nuggets, chicken hotdogs, at katulad na mga item, ay kailangang payagan na maibiyahe at maipamahagi sa mga lalawigan.

“Matapos ang kahilingan ng mga quarantine official ng mga pamahalaang lokal, ang Certificate of Product Registration ng processed meat products na iginawad ng Food and Drug Administration sa mga manufacturer ay maaari nang ipakita sa mga pamahalaang lokal. Ito ay maaari nang makatulong upang payagan ang paglilipat, pagbibiyahe, at pagmamahagi sa lahat ng lalawigan,” sabi ni Año.

Ang mga processed meat product na may  sangkap na baboy ay dapat ding payagang maibenta sa lahat ng lalawigan sa ilalim ng mga kondisyon na ipinatutupad ng DA.

Ayon sa panuntunan, ang mga meat product na may baboy ay kaila­ngang napainitan o nilutong maigi batay sa pandaigdigang pamantayan na ginagamit ng Philippine Association of Meat Processors.

Para sa canned meat products, ito ay kaila­ngang niluto sa 116 degrees Celsius na init at 60 minuto, habang ang hotdogs, hams, at bacon ay kailangang prinoseso/pinausukan/niluto sa temperaturang hindi bababa sa 72 deg­rees centigrade nang higit sa isang oras. Ang pinausukan/nilutong pork sausages naman ay kailangang lutuin sa temperaturang hindi bababa sa 72 degrees Centigrade sa loob ng 40 minuto.

Dahil ang inangkat na baboy ay karaniwang ginagamit ng mga meat processor, ang manufacturer/processor ay kailangang magpakita ng sertipikasyon ng pinanggalingang bansa ng baboy na hindi naapektuhan ng ASF na may kasamang anumang dokumento tulad ng Veterinary Health Certificate ng pinanggalingang bansa at Sanitary and Phyto Sanitary (SPS) Import Permit mula sa DA.

Samantala, kung ang pinanggalingan ng baboy ay mga lokal na prod­yuser, dokumento naman mula sa National Meat Inspection Service (NMIS) na nagbibigay pahintulot sa paglilipat at pagbibiyahe o paggamit sa produksyon ng processed meatsang kailangang ipakita sa awtoridad ng pamahalaang lokal.

Kailangan din ng NMIS certification para sa mga processed meat product tulad ng tocino, fresh longanisa, at tapa na gumagamit ng baboy bilang sangkap ngunit hindi sumasailalim sa heat treatment o full cooking na sa lokalidad lamang ginagawa. Para naman sa mga imported meat material, permits at mga sertipikasyon na ang mga bansang pinangga­lingan ay walang ASF at mula sa DA-approved sources ang kailangan.

Ipinahayag ni DILG Undersecretary and Spokesperson Jonathan Malaya na ang panuntunan ay inilabas upang maprotektahan ang lahat ng stakeholders, ang ekonomiya, ang industriya at ang mga mamimili.

“Pinayuhan na kami ng mga eksperto mula sa DA na kung ang mga kondisyon ay matutupad, ligtas ang mga processed meat. Bukod dito, ang kasalukuyang pagbabawal ay magdudulot ng pagbabayad ng mas mahal ng mga mamimili dahil sa malaking epekto ng paghihigpit ng mga pamahalaang lokal sa meat industry,” aniya.

Umaabot na sa 30,000 baboy ang namatay at kinatay dahil sa ASF  simula nang outbreak nitong Hulyo.

Ayon sa NMIS, ang ASF ay isang nakakahawang sakit na nagbubu­nga ng pagkamatay sa mga baboy, warthogs, at boars dala nang mataas na lagnat, pagkawala ng gana sa pagkain kasama na ang hemorrhages sa balat at lamang-loob. Wala pang bakuna laban sa ASF. PAULAANTOLIN

Comments are closed.